top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

STEPH CURRY O KAWHI, MATIRA ANG MATIBAY!

Writer: BULGAR
BULGAR
May 30, 2019
2 min read

MAGBUBUKAS na ang pinakahihintay na salpukan ng Toronto Raptors kontra sa kampeon na Golden State Warriors, bukas, Biyernes (Mayo 31), mula sa Scotiabank Arena sa Toronto, Canada.

Ilang araw matapos pagbakasyunin ang Milwaukee Bucks at ang pambato nito para sa MVP na si Giannis Antetokounmpo, haharapin ng mabangis na Raptors ni Kawhi Leonard ang pinakamatinding hamon sa kanilang season: ang pataubin ang Warriors na hinahabol ang ikatlong sunod na korona.

Matinding sagupaan ang natikman ng Raptors sa Eastern Conference kung saan hinarap nila ang Philadelphia 76ers sa semis at Bucks sa Conference Finals, na tinapos nila sa loob ng tig-anim na laro.

Marami rin ang nagduda na makakaabot sa Finals ang Raptors dahil sa baguhan din ang kanilang coach na si Nick Nurse.

Pero hindi nagpatinag ang fans ng Raptors na naniniwalang kayang-kayang tapatan ng kanilang koponan ang Warriors na namumutiktik sa All-Stars dahil sa mga beteranong kasama ni Leonard tulad nina Marc Gasol, Serge Ibaka, Kyle Lowry at pati na rin ang gumaling na si Pascal Siakam.

Sa kabilang dako, ito ang unang beses na walang home court advantage ang Warriors sa Finals at pareho ring nagpapagaling pa ang kanilang dalawang Finals MVP na sina Andre Iguodala at Kevin Durant. Subalit, hindi pa rin maikakaila ang lakas ng kanilang puwersa sa likod nina Stephen Curry, Klay Thompson at Draymond Green, pati na ang kanilang coach na si Steve Kerr. Ang NBA action ay live sa ABS-CBN at S+A ng sabay. Ipalalabas ang Game 2 sa Hunyo 3 ng 8 a.m. mula Scotiabank Arena. Magmumula sa Oracle Arena ang aksiyon ng Game 3 sa Hunyo 6 at Game 4 sa Hunyo 8, sa parehong 9 a.m.

Magkakaroon kaya ng panibagong kampeon sa pagtatapos ng 2019 NBA Finals o patuloy na mamamayagpag ang dinastiya ng Warriors? Abangan! (MC)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page