House Speakership, pinapasok na rin ng mga negosyante, tsk-tsk-tsk!

IBINABALA ang krisis sa elektrisidad tuwing tag-araw.
Alam ba ninyong aabot sa P60 bilyon ang utang ng mga generation company sa gobyerno?
Ang mga kumpanyang ito ang naniningil ng generation charge sa mga konsiyumer.
Pero, ayaw nilang magbayad ng utang sa gobyerno!
◘◘◘
IBINUNYAG mismo ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) na hindi nagbabayad ng utang ang mga power generation company.
Pinakamalaki ito ay ang P19.75 bilyong utang ng kumpanya na pag-aari ng SMCSPPC!
◘◘◘
NAGSISINTIR si Finance Secretary Carlos Dominguez III na chairman ng PSALM kung bakit ipinagyayabang ng naturang korporasyon ang proposal sa iba’t ibang infrastructure projects, pero ayaw magbayad ng kanilang utang sa pamahalaan.
Ikinalulugi ng PSALM ang multi-bilyong utang ng mga generation company kaya napilitan itong mangutang upang mabayaran naman ang interest at loan sa mga financier nila!
◘◘◘
DAHIL hindi nakababayad ang South Premiere Power Corp-SMC, tinangka ni Sec. Dominguez na alisan ito ng karapatan sa pangangasiwa sa Ilijan gas-fired power plant sa Batangas City, pero nakakuha ito ng injunction sa hukuman.
Hanggang ngayon ay kontrolado ng SPPCSMC ang Ilijan Power Plant, pero hindi pa rin nagbabayad ng P19 bilyon sa PSALM!
◘◘◘
ANG isyu ay nakakaladkad ngayon sa girian sa Speakership kung saan maaaring magkaroon ng imbestigasyon kaugnay sa operasyon ng independent power producer.
Ibig sabihin, maugong ang ulat na bubuhusan ng pondo ang aspirante sa pagka-Speaker upang makaiwas na magbayad ng bilyones ang mga kolokoy.
Ito rin ang ugat sa tsismis na bumabaha ng “langis” sa maniobrahan sa liderato ng Kamara!
◘◘◘
KAPAG nanalo ang manok ng bigtime independent power producers, paano pa makasisingil ang PSALM?
Delikado itong mabaligtad tulad ni “Bikoy”, maaaring masibak pa ang mga taong naniningil sa pautang ng gobyerno!
◘◘◘
MAKIKITA natin ngayon na tumpak lamang na bansagang mga “buwaya” ang mga kongresista na magtatangkang bawiin ang nagastos noong eleksiyon.
At ang unang hakbang ay makontrol ang liderato ng Kamara gamit ang “salapi” ng mga korporasyon na baon sa utang sa pamahalaan!





Comments