top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

SASO, SISIKAPING BUMIDA SA U.S. OPEN WOMEN’S GOLF

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • May 29, 2019
  • 2 min read

PIPILITIN ng Pilipinang-Haponesa na si Yuka Saso na makapagbigay ng makinang na kampanya sa harap ng world class field kapag nagtee-off na ang pamatay na 2019 U.S. Women’s Open Golf Championships sa Charlestone Country Club sa South Carolina sa Mayo 30.

Nabawasan ang karibal ni Saso na lalahok bilang Amateur matapos na napaulat ang pormal na pag-atras sa prestihiyosong paligsahan ni one-time titlist Michelle Wie dahil sa injury pero lubhang matindi pa rin ang kompetisyon dahil kalahok dito ang halos lahat ng unang 50 sa pinakamagagaling na professional lady golfers sa buong mundo.

Sa kabila nito, ilang beses nang napatunayan na hindi madaling mapatiklop ang 17-anyos na parbuster kahit na mga bituin sa global stage ang kasabay sa greens.

Kailan lang ay maitakas niya ang pangatlong puwesto ng 2019 Augusta Women’s Amateur Championships sa Georgia matapos itong humataw sa huling round ng sagupaang umakit ng mga malulupit na amateur golfers mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig.

Ang malupit pa nito ay humataw siya mula sa pang-11 puwesto para masungkit ang huling upuan sa podium.

Halos ganito rin ang naging hirit ni Saso nang hablutin niya ang dalawang gold medals sa 2018 Asian Games.

Sumegunda rin siya sa Annika Invitational Australasia, sa Rolex Tournament of Champions, 2018 Women’s Amateur Asia Pacific Championships at sa Youth Olympic Games (Argentina).

Matatandaang naselyuhan ni Saso ang upuan sa torneo matapos itong mangibabaw sa Sectional Qualifiers na ginanap sa Duredhills Golf Club ng Atlanta, Georgia.

Dito, dinaig ng iskor niyang 133 ang kartada ng mga professional golfers na sina Leona Maguire (134) ng Ireland, pambato ng Spain na si Fatima Fernandez Cano (135) at Nikole Sakamoto (137) ng Honolulu, Hawaii.

Ang Pinay teener lang ang tanging amateur na nakapasok sa top 4 ng sectional qualifier sa Georgia pero kapag nagsimula na ang main event na sasalihan ng mahigit 100 parbusters, kasama si Saso sa dalawang dosenang amateur golfers na nag-qualify.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page