RONDINA, AROCHA AT RAVENA AWARDEES NG COLLEGIATE PC
- A. Servinio
- May 29, 2019
- 1 min read

ANG gabi ng parangal sa taunang Chooks To Go Collegiate Press Corps Awards Night noong Lunes sa Amelie Hotel Manila ay hindi lamang tungkol sa basketball.
Gumawa rin ng kasaysayan sina Sisi Rondina ng University of Santo Tomas at Regine Arocha ng Arellano University nang kanilang matanggap ang Collegiate Player of the Year para sa Women’s Volleyball.
Bumida ang lakas ng kababaihan nang bigyan ang National Lady Bulldogs ng Award of Excellence para sa kanilang limang taong pagre-reyna sa UAAP Women’s Basketball.
Ang koponan na binigyan ng Special Citation ay ang UP Maroons dahil sa muling pagpasok sa UAAP Finals matapos ang 32 taon.
Ang iba pang tumanggap ng parangal ay sina Ange Kouame ng Ateneo at Javee Mocon ng SBU bilang Pivotal Player. Ang Impact Player ay napunta kay CJ Perez ng Lyceum of the Philippines University at Sean Manganti ng Adamson University.
Samantala, iginawad kay Thirdy Ravena ng Ateneo ang 2018-2019 Collegiate Player of the Year.
Kinilala ang papel na ginampanan ni Ravena sa pagkapanalo ng Blue Eagles sa UAAP Season 81 Seniors Basketball.
“Gagamitin ko ang award na ito na motibasyon para lalong humusay,” wika ni Ravena.
Naparisan na ni Thirdy ang kanyang kuya Kiefer Ravena na nagwagi ng parehong karangalan noong 2014 ngunit marami pa siyang dapat gawin bago mapantayan ang kanyang kapatid.
Sinamahan si Ravena sa All-Collegiate Team nina NCAA MVP Prince Eze ng University of Perpetual Help-System Dalta, UAAP MVP Bright Akhuetie at Paul Desiderio ng UP at Robert Bolick ng San Beda.





Comments