top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Paraan upang maging benepisaryo ng Magna Carta of the Poor ng PCUP, alamin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 29, 2019
  • 2 min read

MALUGOD ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pagpasa ng Magna Carta of the Poor noong Abril dahil mai-institutionalize na ang karapatan ng mga maralita na matamasa ang basic needs.

Para sa ating kaalaman, ang PCUP ay nagbibigay ng pro­grama at serbisyo na tumutulong upang maka-access ang mga maralita sa lupa at pabahay, trabaho o negosyo, basic services at iba pang serbisyo mula sa gobyerno dahil tayo ay nagsi­silbing “direct link” ng mga mahi­hirap nating kababayan sa gobyerno. Sa pamamagitan ng bagong batas, mas mapaiigting pa natin ang ating pagtulong sa mga kapus-palad.

Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Nabasa ko sa balita na tuluyan nang naging batas ang Magna Carta of the Poor. Nais lamang naming malaman kung ano ang nilalaman nito at paano kami mapa­pasama sa mga matutulungan? — Anna

Sagot

Layunin ng Magna Carta of the Poor o Republic Act No. 11291 na magbigay-prayoridad sa pag­sulong sa mga kara­patan ng mga kapus-palad sa sapat na pag­kain, disenteng trabaho, de-kalidad na edukasyon, maayos na pabahay at mataas na kalidad ng serbisyong pangkalusugan.

Nakasaad dito na gagawa ang pamahalaan ng National Poverty Reduction Plan (NPRP) na mag­pa­pa­­igting sa koordinasyon ng mga ahensiya upang mapa­bilis at maging sentralisado ang galaw sa pagtu­long.

Magiging benepisaryo ng nasabing magna carta ang mga indibidwal na ang kabuuang buwanang kita ay bababa sa tinayang poverty threshold ng National Economic and Development Authority (NEDA) at hindi kayang punan ang minimum basic need sa pagkain, edukasyon, pabahay at pangkalusugan.

Alinsunod dito, ang ating ahensiya sa PCUP ay palala­kasin ang ating priority programs na PCUP Caravan, Adopt-a-Community at Urban Poor Privilege Card upang makapagbigay ng direktang serbisyo sa masang Pilipino.

Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.

Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.

Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page