Dagdag-tax sa yosi, urgent — Digong

SINERTIPIKAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent ang Senate Bill No. 2233 na layuning taasan ang excise tax sa produktong sigarilyo.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) ng Executive department habang nasa four-day visit ang pangulo sa Japan.
“Signed na ‘yung certification of urgency for SB 2233. On its way to the Senate,” ani Guevarra.
Nabatid na kapag sinertipikahan ng pangulo ang isang panukala, maaaring agarang ipasa ito ng Kongreso sa third at final reading matapos ang pag-apruba nito sa second reading.
Layunin ng SB 2233 ang magkaroon ng major increase sa tobacco products mula 2020 hanggang 2023.
Batay sa panukala, magtataas sa excise tax sa kada pakete ng sigarilyo mula P45 papuntang P60 sa susunod na apat na taon.
Layunin din ng panukala na mapababa ang bilang ng mga Pilipinong naninigarilyo at taasan ang pondo para sa Universal Health Care Program ng gobyerno.
Sa draft committee report, ipinanukala ng Komite na taasan ang Tobacco Excise Tax sa P45 mula sa P37.50 sa January 2020, P50 naman sa January 2021, P55 sa January 2022 at P60 sa January 2023.
Pagkatapos nito ay mayroong 5% increase ang iimplementa kada taon.





Comments