Pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo, huwag tuldukan!
- Ryan B. Sison
- May 28, 2019
- 2 min read

‘IKA nga, gamitin, linangin at ipagmalaki, pero paano natin ito magagawa kung ngayon pa lang ay ititigil na ang pagtuturo nito, partikular sa mga kolehiyo?
Kaya naman nais umapela ng alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika sa pinal na desisyon ng Korte Suprema na tanggalin ang Filipino at Panitikan bilang bahagi ng core subjects sa kolehiyo.
Sinabi ng Tanggol Wika na kahit bawal na sa ilalim ng rules of court ay maghahain pa rin umano sila ng ikalawang motion for reconsideration nang sa gayun ay matigil na ang ginagawang ‘cultural genocide’ o pagsira sa kultura ng mga Pilipino.
Dagdag pa rito, batay sa Saligang- Batas, sa lahat ng education institutions, dapat isama ang pag-aaral ng Konstitusyon kabilang ang Filipino at Panitikan sa lahat ng curriculum, kaya lang ang problema ng SC, masyado umanong malawak ang Konstitusyon tungkol sa pagsasama ng tatlong asignatura sa curriculum at hindi nila matiyak kung saang antas ito dapat ituro.
Gayunman, kung ito ang kanilang pinoproblema, hindi solusyon na tanggalin na lang ito nang basta-basta, gayung alam natin na marami pa rin sa kabataan ang kinakailangang matuto nito.
Maliban pa rito, paano ‘yung mga professor na nagtuturo ng mga subject na ito, gayundin, ‘yung mga estudyanteng kumukuha ng kursong kaugnay dito?
Kung matatanggal ito, parang sinabi na rin nilang hindi na ito kailangan ng mga Pilipino dahil sapat na ang kaalaman natin hinggil dito na hindi naman totoo.
Kaya para sa kapakanan ng mga susunod pang henerasyon, pagtuturo ng Filipino at Panitikan, huwag tuldukan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments