Kahit wala nang kredibilidad, mga kuwento ni "Bikoy", pinakikinggan pa rin, ngek!
- BULGAR

- May 28, 2019
- 2 min read
KUNG maraming nagtaka na hindi mga inhinyero ang nasa Board ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong kasagsagan ng krisis sa tubig, isang dating heneral pa rin ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing ahensiya. Si ex-Army General Ricardo Morales, ang bagong miyembro ng Board. Hindi pa malinaw kung siya ang chairman o hindi, gayundin, binanggit ni P-Duterte na taga-Davao si Morales.
Hindi nakapagtataka sa mga panahong ito kung saan bukambibig ng marami ang Davao. Ang balita ay may papalitan daw si Morales sa Board dahil umano sa korupsiyon at si P-Duterte ay galit sa korupsiyon. Talagang napakaganda ng panahon ngayon para maging retiradong sundalo.
◘◘◘
Kung noon ay sinungaling at walang kredibilidad si Peter Joemel Advincula, ang lumutang bilang “Bikoy” sa mga video sa social media kung saan isiniwalat nito na malaki raw ang pakinabang ng pamilya at kaibigan ni Pangulong Duterte sa iligal na droga, ngayon naman nagbago ang ihip ng hangin dahil naniniwala ang administrasyon na totoo raw ang sinasabi nito na taga-oposisyon ang utak ng nasabing video.
Gayunman, kung hindi siya nakakuha ng tulong mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) noong una siyang lumutang, ngayon ay tila iba na ang kanyang kuwento.
Tunay na kuwestiyunable ang drama sa likod ng “Bikoy” video na marami palang hinaharap na kaso at matagal nang operatibo ng pulisya.
Mismong si Defense Sec. Delfin Lorenzana ang nagsalita na huwag basta paniwalaan ang mga sinasabi ni Advincula, pabagu-bago raw ito ng kuwento para lang mailigtas ang kanyang sarili, pero kuntodo naman ngayon ang suporta ng Palasyo sa kanyang mga pahayag at nagbanta pa kay Sen. Antonio Trillanes IV na nahaharap na namang maaresto.
Sino ang hindi mapapailing sa mga isyung ito? Tila lumalabas na sinumang magsalita laban sa oposisyon ay paniniwalaan ng administrasyon kahit ang mga walang kredibilidad na tao tulad ni Advincula.





Comments