Todo-yabang sa isyu ng climate change | Canada, inutil sa problema sa basura

BASTOS talaga ang Canada. Ilang taon nang sinasabi ng gobyerno ng Pilipinas na kunin nito ang kanilang mga basura na ipinadala sa bansa, pero wala itong aksiyong ginawa.
Nagalit na si Pangulong Rodrigo Duterte at inutusan na ang gobyerno na lang ang magpapabalik ng basura sa Canada, panibagong gastos ng Pilipinas.
Napahiya ang Canada at sinabing sila na raw ang kukuha ng basura, pero sa katapusan pa raw ng Hunyo.
Bakit sa Hunyo pa, eh, ilang taon na nating alam na may basura kayong itinapon sa bayan namin?
Napakayaman ng Canada, pero hindi man lang ma-afford na kunin ang kanilang basura sa bansa!
Kaway-kaway kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau, tama na ang pagpapa-cute mo sa media at asikasuhin mo ang matagal nang nangangamoy na basura ninyo!
“‘Di ba, ang sabi nila (Canada) katapusan ng June? Hindi papayag ang pangulo roon,” sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Dagdag pa niya, sinabi raw ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na ipadadala na ang basura pabalik sa Canada ngayong linggong ito. “Siguradong hindi end of June,” aniya.
Bakit mahalaga na nagmatigas ang Pilipinas sa isyung ito?
Dahil tayo ay sovereign nation o bansa na may sariling paninindigan, malayang nakapagdedesisyon sa ating buhay at may gobyerno tayong matino na nagtatrabaho para sa mamamayan.
Huwag tayong pumayag na binabastos tayo ng kahit anong bansa. Kahit maraming Pilipino sa Canada, hindi tayo dapat nagpapaapi sa kanila.
Sa mga may kamag-anak sa Canada, sabihan ninyo sila tungkol sa masamang ginagawa ng kanilang bansa pati na rin ang pagiging incompetent ni Trudeau.
Ang dami-raming pera ng Canada, hindi man lang makaarkila ng mga barko para kunin ang kanilang mga basura.
Napakayabang sa isyu ng climate change at environment, pagkatapos hindi man lang nila maayos ang problema ng kanilang basura!
Pride ng mga Pilipino ang nakasalalay sa isyung ito. Mahalaga ang “pride” sapagkat ito ang pinakamahalagang sangkap para umunlad ang bansa.
Nararapat unahin ng mga Pilipino ang kapakanan ng kapwa Pilipino. Huwag tularan ang mga dilawan na lahat ng isyu nila tulad ng “human rights” ay idinikta lang ng mga amo nila sa U.S. at Europe.
Kabastusan ang pagpapadala ng Canada ng mga basura nila sa Pilipinas na kunwari raw ay recyclable materials, pero pagbukas ng container van ay puro basura.
Sari-saring basura ang itinapon sa ating lupain tulad ng used adult diapers, sanitary napkins, dumi mula sa ospital, plastics at iba pang basura na “health risk” sa mga tao sa paligid at masama rin ang epekto sa ating environment.
Noong 2013 pa dumating ang mga basura na ayon sa balita ay umabot sa 2,450 tonelada.
Matagal nang nasa Port of Manila ang basura at ang iba raw ay inilipat sa Capas, Tarlac.
Taun-taon, sinasabihan ang Canada na kunin ang kanilang basura dahil wala silang karapatang gawing “garbage dump” ang ating bayan.
Noong pumasok ang administrasyong Duterte ay doon lang nagsimulang tumindi ang demanda ng ating gobyerno laban sa Canada.
Kamakailan, binigyan ng Pilipinas ang Canada ng deadline na May 15 para kunin nila ito ngunit, lumipas ang deadline ay dinedma na naman tayo.
‘Yun, napunta sa utos ni P-Duterte na tayo na lang ang magbabayad ng shipping para matanggal na ang mga nangangamoy na basura ng Canada.
Ayon kay Panelo, mayroon pa raw bagong ‘ship’ na basura na mula naman sa Australia.
Iimbestigahan daw ito ng gobyerno at hahablahan nila ang lahat ng kasangkot dito.
“Nakaiinsulto na ginagawa tayong tambakan ng basura. Huwag tayong pumayag at ibalik natin ito sa kanila,” dadag pa ni Panelo.
Sa wakas, nagkaroon na tayo ng “pride” bilang bansa. Tapos na ang panahon na nagpapaapi tayo. Canada, basura ninyo, kunin ninyo!





Comments