Naglalakad sa gutter | MOMMY AT BEYBI SAPOL SA JEEP

ISANG buwang gulang na sanggol ang namatay habang kritikal ang kanyang ina matapos mabangga ng humaharurot na pampasaherong jeep habang naglalakad sa gutter sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Isinugod ng rumespondeng JRT ambulance si Kaehll Ejija Mariano sa Navotas City Hospital subalit, hindi na ito umabot ng buhay sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan habang ginagamot naman ang kanyang ina na si Angelica Ejija, 22, ng Bgy. Bangkulasi.
Ayon kay Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, alas-6:40 ng umaga, karga ni Angelica ang kanyang beybi habang naglalakad sa gutter sa kahabaan ng Road-10, Pescador, Bgy. Bangkulasi nang mahagip ito ng humaharurot na jeep na patungong C-4 Road.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang mag-ina ng ilang metro habang kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang driver ng jeep (TVR 259) na si Reymond Villanueva, 45, ng Tondo, Manila.





Comments