Kaalaman tungkol sa tamang paggamot sa pigsa

Dear Doc. Shane,
Madalas akong tubuan ng pigsa sa katawan, lalo na sa bandang puwitan. Napakasakit nito at sobra akong naaabala sa aking trabaho. Hindi ko naman ito matiris dahil hindi ko makita at nahihiya akong ipatiris ito sa sinuman sa mga kasama ko sa boarding house. Ano ba ang mabisang panggamot dito? — Seb
Sagot
Karamihan ng mga pigsa ay maaaring gumaling at mawala sa pamamagitan lamang ng gamutan sa bahay, subalit, may mga kaso rin na kinakailangan ng pag-inom ng gamot at konsultasyon sa doktor.
Makatutulong ang mga sumusunod:
Gumamit ng “warm compress” o mainit na tubig na nakabalot sa tela at ipatong ito sa bahagi ng katawan na may pigsa. Makatutulong ito sa pag-impis ng kirot at sa pagpapalabas ng nana. Gawin ito araw-araw hanggang sa mawala ang pigsa. Iwasang paputukin ang pigsa gamit ang karayom o kaya naman ay tirisin ng kuko. Ito ay maaari lamang magpalala ng pigsa, bagkus, hayaang pumutok nang kusa ang pigsa. Kapag pumutok na ang pigsa, dapat hugasan ng sabon at tubig hanggang sa mawala na lahat ng nana. Maaari rin mag-apply ng antibacterial ointment tulad ng teramycin, tapos tapalan ng bandage o band-aid ang sugat. Ulitin ito ng dalawang beses bawat araw hanggang sa mawala ang pigsa.
Subalit, kung ang pigsa ay malala, maaaring magreseta ang doktor ng antibiotiko para rito. Sa ilang mga kaso, lalo na kung may kumplikasyon tulad ng diabetes, maaaring doktor o iba pang health professional ang maglinis sa pigsa gamit ang mga surgical instrument. Magpaturo sa kanila kung may karagdagang dapat gawin sa pigsa.
Gaano katagal gumaling ang pigsa?
Kung naumpisahan ang wastong paggagamot, sa loob ng 2-3 araw ay magsisimula nang makaranas ng pagbabago at paggaling ng pigsa. Kung mas lalong lumalala o hindi gumagaling ang pigsa, magpatingin na agad sa doktor upang ma-examine ito.





Comments