top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

FELIPE, KAMPEON NG PRURIDE UCI 2.2 RACE

  • A. Servinio
  • May 27, 2019
  • 2 min read

SUBIC BAY – Hindi na kinailangang pumadyak ni Marcelo Felipe para makoronahan bilang kampeon ng PRURide UCI 2.2 Stage Race Linggo ng hapon. Matapos bayuhin ng malakas na ulan noong tanghali, nagpasya ang mga opisyal ng Union Cycliste Internationale (UCI) na ipagpaliban ang ikatlo at huling yugto pagkatapos ang 30 sa 93.4 kilometro galing sa San Bernardo Road sa Cubi Triboa at iikot sana ng dalawang beses sa loob ng dating base military ng Estados Unidos.

Umoras si Felipe ng 7-Eleven CLIQQ Air 21 ng 7:57:15 sa loob ng unang dalawang natapos na yugto. Ito ay 47 segundo lang ang pagitan sa pumangalawang si Brendon Davids ng Oliver’s Real Food Racing Australia (7:58:02) at mahigit 4 na minuto sa 3rd na si Michael Vink ng Saint George Continental Cycling Team Australia.

Matatandaan na ang tatlo ang namayani sa 3rd leg na nagtapos sa Dambana ng Kagitingin sa tuktok mismo ng Mount Samat noong Sabado.

Kampeon sa yugto si Davids pero mas malakas ang ipinakita ni Felipe sa unang yugto noong Biyernes na nagsimula at nagtapos sa Harbor Point Mall at umikot sa siyam na bayan sa Bataan.

Nanalo ng P120,000 si Felipe para sa dalawang araw ng pagpadyak. P45,000 ang napunta kay Davids habang P25,000 ang premyo ni Vink.

Iniuwi din ni Felipe ang karangalan bilang Best Filipino Rider at King of The Mountain at ang kanyang 7-Eleven ay 3rd sa team event. Winalis ng Pilipinas ang team event sa pagkampeon ng Philippine Navy Standard Insurance (24:09:48) at sinundan ng Go For Gold Continental Cycling (24:17:24) at 7-Eleven (24:26:53) at silang tatlo rin ang ginawaran ng Best Filipino Team.

Samantala, nakamit ni Davids ang Points Leader award. Napunta kay Daniel Ven Cariño ng Go For Gold ang Best Young Rider Under-23.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page