top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Hamon sa mga bagong halal na opisyal, ‘wag maging sunud-sunuran, magkaroon ng sariling paninindigan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 26, 2019
  • 2 min read

“ANO ang mali sa larawan”? Mayroong ganitong laro sa mga diyaryo kung saan sinusubukan ang talas ng mapa­nuring mga mata. Kung iisiping ma­buti, tila may ganitong laro noong nakaraang araw na makikita sa mga front page ng maraming pa­hayagan. Nakalathala ang larawan ng 12 bagong halal na senador. Ngayon, tingnan natin ito at sabi­hing, “what is wrong with this picture?”

Sampu sa mga nanalong senador ay pare-parehong inila­had ang isang kamay at binuo ang ‘Duterte fist’ ngunit, sa bandang gitna at sa gawing kanan ng larawan ay may dalawang senadora ang hindi nagtaas ng ka­nilang mga kamay. Kapansin-pansing iba ang dalawang senadora at hindi aksidente ang kanilang hindi pag-ayon sa nakararami.

Maraming salamat kina Sen. Grace Poe at Sen. Nancy Binay. Salamat sa dalawang kababaihang naiiba sa mga ba­gong senador. Madali bang gawin ang kani­lang ginawa? Mayroon pa ba tayong ‘Press Free­dom’? Ligtas ba ang ka­paligiran para sa mga nanga­ngahas magpahayag ng kato­tohanan upang ituwid ang laganap na kasinungalingan o pagkalat ng “fake news”?

Iba’t iba ang kaugnayan at legal na katayuan ng bawat senador sa pangulo. Ang ilang senador ay kilalang personalidad at matalik na kaibigan ng pangulo. Habang ang iba naman ay dumikit nang husto at nakuha ang kanyang basbas upang sila ay maging bahagi ng administrasyon. Ang iba ay matagal at malaki ang pakinabang sa pangulo kung sila ay mananalo kumbaga, ang sasabitan ng medalya bilang mga taga-“oo”.

Hindi malayong maging “rubber stamp” ang ating Sena­do kung saan lahat ng gustong ipasa ng pangulo ay tiyak na maipapasa sa Senado.

Bagama’t, mas popular at ligtas ang tumulad sa na­ka­rarami kaysa maging kapansin-pansin dahil ikaw ay iba, ang pananaw ng dalawang senadora ay mahala­gang simbolo ng pamama­yani ng pansariling pasya o konsensiya.

Ito ang palatandaan na mayroon tayong demok­rasya kung maaari pang ipakita ang hindi pagsang-ayon o simpleng pagkakaiba. Sa pagbubukas ng Senado ngayong Hulyo, mai­pakikita kaya ng dalawang se­na­dora ang pagpili sa mga po­sisyon tungo sa desis­yong batay sa prinsipyo at konsensiya? Isa ito sa maaari na­ting ipagdasal sa mga darating na panahon.

Sana, mag-isip, magnilay at manalangin ang bawat isa, lalo na ang mga bagong halal na senador. Sana ay kanilang maisip na maraming mas mahalaga kaysa sa pera. Ang kato­tohanan at prinsipyo ang dapat gumabay at dapat nating ipaglaban.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page