Iba’t ibang sanhi ng pananakit ng sikmura
- BULGAR
- May 25, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Madalas sumasakit ang aking sikmura. Ang sabi ng katrabaho ko, marahil, dahil mabilis akong kumain ay baka raw kinakabag ako. Ano ba ang mga posibleng dahilan ng pananakit ng sikmura? — Emil
Sagot
Ang pananakit ng sikmura ay pangkaraniwang kondisyon na maaaring senyales o sintomas ng abnormalidad sa bahagi nito. Alalahanin na nakapaloob sa sikmura o abdomen ang iba’t ibang mahahalagang laman-loob tulad ng atay, tiyan, apdo, bituka, bato, lapay at iba pa.
Narito ang ilan sa mga kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit ng sikmura:
Impatso at kabag — nararanasan kapag mabagal ang proseso ng tiyan sa pagtunaw sa kinain. Kapag masyadong maraming kinain, hindi nanguyang mabuti ang kinain o kaya ay masyadong mabilis ang pagkain, maaaring maranasan ang impatso. Ang kabag naman ay ang kondisyon kung saan nagkakaroon ng hangin sa tiyan. Makararamdam ng pananakit sa sikmura hangga’t hindi makawala ang hangin na nakapasok sa loob. Ito ay kadalasang dulot ng madalas na pag-inom ng carbonated drinks, pagkakalunok ng hangin dahil sa pagsasalita habang kumakain o kaya sa mga uri ng pagkaing kinain.
Ulcer at appendicitis — o sugat sa mga pader ng daluyan ng pagkain ay nagsisimula sa pagkakaroon ng maliit na sugat dahil sa mga asidong nasa loob ng tiyan. Kapag ang maliit na sugat na ito ay pinasok ng bacteria na helicobacter pylori, maaaring lumala ang ugat at lumawak. At ang resulta ay malalang kondisyon ng ulser sa tiyan. Tinutukoy naman sa kondisyon na appendicitis ang implamasyon ng maliit na bahagi ng bituka o appendix. Nangyayari ang pamamaga ng appendix kapag nabarahan ito ng maliit na piraso ng pagkain na dumadaloy sa bituka o kaya ay pinasok ito ng parasitiko o bacteria. Kapag ito ay naranasan, kinakailangan ang agarang operasyon.
Gastritis at GERD— ang inflammation ng lining sa loob ng tiyan. Nangyayari ito dahil sa impeksiyon ng bacteria na helicobacter pylori o dahil sa iritasyon ng lining mula sa ininom na gamot. Ang gastro esophageal reflux disease (GERD) ay ang pag-agos pabalik sa esophagus ng mga laman ng tiyan. Nagdudulot ito ng mahapding pakiramdam sa itaas na bahagi ng sikmura hanggang sa dibdib. Nangyayari ito kapag naging maluwag ang harang o sphincter sa pagitan ng tiyan at esophagus na siyang pumipigil sa pag-agos pabalik ng laman ng tiyan.
Gastroenteritis — ito ay tumutukoy sa impeksiyon ng virus o bacteria sa loob ng tiyan. Nangyayari ito kapag nakakain ng kontaminado ng virus o bacteria. Ang mga karaniwang sanhi ng gastroenteritis ay ang mga virus na rotavirus at norovirus, habang ang mga bacteria naman na nagdudulot nito ay salmonella at E. coli.
Pagkakalason mula sa kinain at constipation — pagkain na kontaminado ng mga nakalalasong substansiya o kemikal ay makapagdudulot ng matinding pananakit ng tiyan. Nangyayari ito kapag hindi maayos ang preparasyon na isinagawa sa pagkain. Maaaring ito rin ay dahil sa impeksiyon ng parasitiko tulad ng tapeworm, roundworm, whipworm at pinworm, pati na ang maliliit na organismo tulad ng amoeba at flagellates. Ang constipation o hindi maayos na paglabas ng dumi ay makapagdudulot ng pananakit ng tiyan dulot ng kakulangan sa tubig o kakulangan ng fiber sa kinakain.
Pagtatae o diarrhea — ang diarrhea naman ay ang matubig na pagtatae dahil dito, maaaring manakit ang tiyan at saka bumulwak ito sa paglabas.
Comentários