BOLTAHE NI LAWAL KINURYENTE ANG DYIP
- BULGAR

- May 25, 2019
- 1 min read

NAKABANGON agad ang Meralco Bolts matapos sikwatin ang 101-92 panalo kontra Columbian Dyip kagabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Kumana si import Gani Lawal ng 25 points at 27 rebounds upang akbayan ang Bolts sa panalo habang bumakas si Baser Amer ng 21 puntos.
Rumatrat agad ang Bolts sa unang dalawang periods, hinawakan nila ang 15-point lead, 50-35 sa halftime. Bahagyang humabol ang Dyip sa third period, nanagasa ng 36-29 para ibaba sa walo ang hinahabol, 71-79, papasok ng fourth quarter. Naging matatag ang Bolts sa playoff period upang masilo ang unang panalo sa dalawang salang.
Samantala, sisikapin ng NorthPort Batang Pier na manatiling malinis ang kanilang karta sa pagharap nila sa NLEX Road Warriors sa alas-4:30 ng hapon sa Araneta Coliseum. Tangan ang 1-0 baraha, muling sasandalan ng Batang Pier sina locals Sean Anthony at rookie Robert Bolick kasama ang import na si Prince Ibeh upang masilo ang pangalawang sunod na panalo at makuha ang top spot sa team standings.Nagtala si Anthony ng 22 points, anim na rebounds at apat na assists habang kumana si Bolick ng 19 markers para sa panalo ng NorthPort kontra Alaska Aces, 103-81, sa kanilang huling laro.Tumikada naman si Ibeh ng 19 pts. at 13 boards.
Tulad ng Batang Pier, nais ng TNT KaTropa na sikwatin ang perfect two wins laban sa Aces sa ala-6:45 ng gabi. Nakuha ng KaTropa ang panalo nang kalusin nila ang NLEX Road Warriors, 102-87, noong Miyerkules sa Ynares Center, Antipolo. (ATD)
Mga laro ngayon: (Araneta Coliseum)
4:30 p.m. NorthPort vs NLEX
6:45 p.m. - TNT vs Alaska





Comments