Robredo, Trillanes, Hontiveros utak ng videos vs. P-Du30 — Bikoy | LAGLAGAN NA!

TULUYANG inilaglag ni Peter Joemel Advincula, na nagpakilalang si alyas Bikoy sa kontrobersiyal na serye ng “Ang Totoong Narcolist”, na ang Liberal Party (LP) sa pangunguna nina Vice-President Leni Robredo at Senator Antonio Trillanes IV ang umano’y nasa likod ng pagpapakalat ng naturang video sa social media.
Ang ginawang pagbubunyag ni Advincula ay kasunod ng ginawa nitong pagsuko sa Northern Police District (NPD) nitong gabi ng Miyerkules at agad dinala sa Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame.
Una nang inamin ni Advincula sa paglitaw nito sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na siya ang lalaking si alyas Bikoy at mismong narrator sa serye ng viral videos kung saan iniuugnay nito si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng pamilya sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
Sa press briefing sa Camp Crame na pinangunahan nina PNP Chief Director General Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Guillermo Eleazar, dito ibinunyag ni Advincula na pawang gawa-gawa lamang umano ang lahat sa “Ang Totoong Narcolist” videos.
“Ito ay pawang orchestrated lamang ng Liberal Party under the handling of Senator Antonio Trillanes IV,” pahayag ni Advincula.
Ani Advincula, pinangakuan umano siya ng grupo ni Trillanes ng P500,000 bilang kapalit sa paggawa nito ng video. Gayunman, hindi umano siya nabayaran matapos ang pagpapakalat sa video sa lahat ng social media at nagdesisyong sumuko sa mga awtoridad dahil na rin umano sa binabagabag na ito ng kanyang konsensiya.
Ibinunyag din ni Advincula na isa umanong pari ang nagpakilala sa kanya kay Trillanes kung saan sa loob mismo ng kumbento ginawa at tinapos ang serye ng video.
“Ang lahat ng nangyari sa “Ang Totoong Narcolist” video episode 1 to video episode 5, ‘yung ni-record ko nu’ng nasa isang kumbento ako, lahat ‘yun pawang scripted, lahat ‘yun pawang kasinungalingan,” giit nito.
Ginawa aniya ang video upang siraan mismo ang pangulo at maging ang lahat ng administration candidates kabilang si dating Special Assistant to the President na ngayon ay Senator-elect Christopher ‘Bong’ Go.
Kabilang din sa mga iniuugnay ni Advincula sa paggawa ng narcolist video ang pangunahing mga miyembro ng Liberal Party na sina Senator Risa Hontiveros at Senator Leila De Lima.
“Kasinungalingan kasi may plano ‘yung kabilang kampo, ‘yung kabilang kampo magpaputok ng issue para ma-divert ‘yung attention ng tao, papataas nang papataas ang ratings ng administration candidate, samantalang, walang pumapasok, particularly sa Otso Diretso candidate,” paliwanag pa nito.
“At ito nga ‘yung paputok nu’ng kay Bikoy, para ma-discredit si Senator-elect ‘Bong’ Go hindi totoo ‘yun, walang katotohanan at ‘yun pawang orchestrated lamang ng mga nasa kabilang party which is the Liberal Party under the handling of Senator Antonio Trillanes IV,” dagdag pa ni Advincula.
“Hindi ko ho kaya na panindigan ‘yung mga scripted lang ng kuwento na ngayong talo na ‘yung mga kandidato nila nararamdaman ko unti-unti na akong nilalaglag at ang kinakatakutan ko ay baka sila pa ang mag-eliminate sa akin kalaunan dahil wala na akong silbi,” saad pa nito.
“Project sodoma”
ISINIWALAT pa ni Advincula na nais umanong pabagsakin ng LP si Pangulong Duterte sa pamamagitan ng nasabing video at kung magtagumpay ay si Vice-President Robredo ang hahalili sa puwesto bilang pangulo ng bansa.
Makailang beses na rin aniya silang nagpupulong kasabay ng pagpaplano para matiyak ang paglulunsad ng Project Sodoma na umano’y proyekto para sa iisang layunin, ang pabagsakin ang administrasyong Duterte.
“Dahil kapag napabagsak si Presidente Duterte, ang uupo, duly constitutionalized, Her Excellency Leni Robredo, and she will appoint from the Senate or the House, to be the vice-president. Sonny will be in line to become the vice-president,” pagbubunyag pa ni Advincula.
Dagdag pa ni alyas Bikoy, mula umanong maipakalat na ang videos sa social media ay hindi na nagpakita pa sa kanya si Trillanes at hindi na rin siya sinasagot nito kaya isa sa mga dahilan kung bakit siya nagdesisyong lumantad sa publiko.





Comments