Drug den pinasok, 5 minasaker

LIMA katao na umano’y nasa drug watchlist ang natagpuang patay makaraang pasukin at pagbabarilin sa loob ng bahay sa Purok 4, Bgy. San Pedro, San Jose del Monte City, Bulacan, kahapon.
Batay sa inisyal na report, kabilang ang babae na nakilalang si Juliet Fernandez sa mga pinaslang ng hindi pa mabatid na bilang ng mga salarin.
Ayon kay Bulacan Police Director Col. Chito Bersaluna, kapwa tadtad ng tama ng bala ng baril ang katawan ng limang biktima na natagpuan sa loob ng hinihinalang drug den pasado alas-6:00 ng umaga.
Isa sa mga nakadiskubre sa krimen ay ang kapitbahay nang masilip sa bintana ang mga bangkay at puno ng dugo ang lugar.
Bago ang pamamaslang, ang naturang bahay ay ginagamit umano bilang drug den ng ilang drug personalities sa lugar.
Posible umanong onsehan sa droga ang motibo sa pagmasaker sa mga ito.
Ayon naman kay Police Col. Orlando Castil, Jr., patuloy pa nilang iniimbestigahan ang krimen at kabilang sa kanilang tinitingnan ay ang CCTV sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng masaker.





Comments