Paalala sa mga mag-aaral na madalas gumamit ng internet, iwasan ang fake news!

DAHIL easy access na sa paggamit ng modernong teknolohiya, tinatawag na “information age” ang kasalukuyang henerasyon, lalo na para sa mga college student na madalas gumamit nito para sa kanilang pag-aaral, research work at maging sa personal na pagkuha ng impormasyon.
Dahil kabi-kabila ang mga pamamaraan upang makakuha ng impormasyon sa pamamagitan ng computer, cellphone at iba pang mga gadget, mahalagang maging responsable, malikhain at higit sa lahat ay magamit ito sa wastong pamamaraan upang makasunod sa kasalukuyang kalakaran ng lipunan.
Sa ating patuloy na pag-iikot at pakikipag-usap sa mga guro at mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa, masasabing napakalaki ng kanilang pangangailangan sa paggamit ng internet dahil bukod sa ito ay mabilis, malawak din ang pagkukuhanan ng ideya at impormasyon.
Ngunit, dapat maging maingat at kilatising maigi ang mga source nito.
Hindi rin natin puwedeng isantabi ang mga tradisyunal na pinagkukunan ng impormasyon tulad ng TV, radio at diyaryo.
Mahalaga pa ring sanayin natin ang kabataan na mag-research sa library.
Samantala, ang ating mga guro naman ay hindi rin humihinto sa pag-aaral at paggamit ng praktikal na aplikasyon na kakailanganin ng ating mga mag-aaral.
Ngunit, dahil narito na ang mga modernong teknolohiya, patuloy nating gabayan at turuan ang kabataan ng self-learning, kasanayan at wastong pagdedesisyon na matukoy ang tama at mali sa paggamit ng internet upang maiwasan ang fake news, makasabay at hindi mapag-iwanan sa bilis ng takbo ng pagbabago.
Anuman ang gamiting plataporma para sa kanilang mga academic requirement, doble-ingat, sipag at maging matalino sa paggamit ng internet sa lahat ng pagkakataon.
Palaging tandaan ng ating mga mag-aaral, lalo na ang mga nasa kolehiyo anuman ang kanilang kursong kinukuha na i-validate ang lahat ng kanilang mga nakalap na impormasyon sa internet upang makamit ang kabuuang tagumpay tungo sa inyong pagtatapos.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments