Hirit ng DepEd | ISKUL, ‘WAG GAWING EVACUATION CENTER

INAMIN ni Education Secretary Leonor Briones na tutol siya na gawing evacuation centers ang mga eskuwelahan lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ani Briones, siya mismo ang nagpanukala nito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong ng mga miyembro ng gabinete na hangga’t maaari ay huwag gawing evacuation centers ang mga eskuwelahan.
Sa halip, dapat na magtayo aniya ng mga multipurpose center ang mga local government.
“So, last year pa, nag-promulgate na ng policy and this was covered by media. Ang presidente, ang local government should be encourage to build their own multipurpose centers na as much as possible, unless it is unavoidable, hindi talaga paalisin ang mga bata sa eskuwelahan to make room for those who also need it,” ani Briones.
“So, ngayon makikita na natin, mayroon nang mga design na ginawa ang NHA ng multipurpose centers. So, priority talaga, ‘pag mayroong i-evacuate na mga victim ng sakuna and we have to take care of them, doon sila sa multipurpose centers,” saad ng kalihim.
Samantala, nasa 28 milyong estudyante ang inaasahang papasok sa pampubliko at pribadong eskuwelahan sa pabubukas ng klase sa Hunyo 3, ayon sa DepEd.
Ani Briones, may 27,817,737 estudyante ang papasok sa Kindergarten hanggang Grade 12 kumpara sa naitalang bilang na 27,018,509 estudyante noong nakalipas na taon.
Nabatid na may 203 ang school days at magtatapos sa Abril 3, 2020 habang ang Christmas break ay mag-uumpisa naman ng Disyembre 15 at magre-resume sa Enero 6, 2020.





Comments