ANTHONY NG NORTHPORT, NILUNOD ANG ACES


IPINALASAP ng NorthPort Batang Pier ang unang talo ng Alaska Aces matapos buhatin ang 103-81 panalo kagabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tumikada si Sean Anthony ng 23 points at anim na rebounds habang nagtala si rookie Robert Bolick ng 19 markers at limang assists upang tulungan ang Batang Pier na ilista ang 1-0 karta at isalo sa top spot ng team standings.
Ipinaramdam agad ng Batang Pier ang kanilang lakas matapos nilang kargahin ang nine-point lead, 51-42, sa halftime. Sinabayan ng NorthPort ang Aces sa opensa kaya naman nanatili ang kanilang siyam na puntos na bentahe, 75-66, sa pagtatapos ng third canto. Naging maingat ang Batang Pier sa fourth quarter upang hindi sila mahabol at makuha ang importanteng panalo.
Samantala, hindi pa rin nakakapaglaro si Vic Manuel para sa Alaska dahil nagkaroon ulit siya ng injury sa nakaraang practice nila.
Napuwersa siyang maupo sa bench at panoorin kung paano ginapi ng kanyang koponan ang Columbian Dyip, 111-98, sa opening game nila noong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matagal na pinaghandaan ni 31-year-old Manuel na makalaro ngayong conference pero biglang minalas at nagkaroon ng panibagong injury. “Naiinip at nanggigigil na ako,” saad ni Manuel. “Gusto ko nang maglaro, eh, parang three weeks na akong nagpa-practice at nakakabalik na ako sa kondisyon tapos biglang nagkaproblema sa right leg ko. Medyo nagkaka-frustrate lang.”
Nakaraang December, 2018 huling naglaro si Manuel kung saan natalo ang Alaska sa Magnolia sa Governors’ Cup Finals. Umaasa ang power forward Manuel na matapos agad ang kanyang pagpapagaling upang makabalik na sa laro. (ATD)





Comments