LP na-’zero diretso’, Kiko nag-resign | WALANG AALIS — LENI

TINANGGIHAN ni Vice President at Liberal Party (LP) Chairman Leni Robredo ang pagbibitiw sa posisyon ng dalawang matataas na opisyal ng partido, sa pangunguna ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan, na tumatayong presidente nito.
Bukod kay Pangilinan, nagbitiw din sa kanyang posisyon si Quezon City Rep. Christopher ‘Kit’ Belmonte, bilang secretary general.
“The Vice President has not accepted Senator Kiko’s and Cong. Kit’s resignations. Much work remains to be done, and they will do it, together,” ayon sa pahayag ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.
Nakasaad sa liham ng senador na nagbitiw ito matapos ang pagkatalo ng lahat ng kandidato ng Otso Diretso na binansagan sa social media na na-‘zero diretso’.
Bilang tumatayong campaign manager, tinatanggap umano nito ang lahat ng full responsibility sa pagkatalo ng pambato ng oposisyon.
Ayon kay Pangilinan, hindi nito naipanalo ang Otso Diretso at bilang delikadesa, kailangan nitong magbitiw sa puwesto na magiging epektibo sa Hunyo 30, 2019.
Kasabay nito, patuloy pa ring kinukuwestiyon ng senador ang 7-hour glitch, ang pagkasira ng mga vote counting machine at SD card na dapat aniyang ipaliwanag ng Comelec.
Samantala, pinuri naman ng Malacañang ang ginawang pagbibitiw ni Pangilinan. “That’s commendable. He accepts defeats,” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Giit ni Panelo, kaya natalo ang Otso Diretso ay dahil mas naniwala ang publiko kay Pangulong Rodrigo Duterte.





Comments