K to 12, tuloy — DepEd
- Madel Moratillo / Mylene Alfonso
- May 22, 2019
- 1 min read

WALA umanong plano ang Department of Education (DepEd) na ibasura o ipatigil ang implementasyon ng K to 12 Program.
Sa pahayag, ipinaliwang ng DepEd na nagkamali lamang ng interpretasyon ang ilan sa pahayag ng Commission on Higher Education’s (CHEd) na planong isailalim sa review ang sistema ng K to 12.
Ayon sa DepEd, ang K to 12 program ay salig sa Republic Act No. 10533 o “Enhanced Basic Education Act of 2013” kaya hindi ito basta dapat maibasura.
Ipinaliwang pa ng DepEd na ang pagpapalabas, pag-amyenda o pagpapawalambisa rito ay nakasalalay sa Kongreso.
Nabatid na nasa mahigit 2.7 milyong estudyante ang nakinabang sa programa.
Binigyang-diin pa ng DepEd na ang pag-repeal sa programa ay may negatibong epekto sa education system ng bansa.
Samantala, wala rin umanong balak si Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin ito.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi naman ipinag-utos ng pangulo na tanggalin ang implementasyon nito kaya mananatili pa rin ang K to 12.
Sa ilalim nito, magkakaroon ng dagdag na dalawang taon ang mga estudyante sa pag-aaral.





Comments