Dilawan, porke hindi nanalo | Mga Pinoy, tinawag na ‘bobotante’
- BULGAR

- May 22, 2019
- 3 min read
TILA, pinalalabas ng mga dilawan na “bobotante” raw ang masang Pilipino kaya natalo nang husto ang pulahan at dilawan na mga kandidato noong nakaraang eleksiyon.
Bobotante? Hindi bobo ang masa. Palagay natin ito ang pinakamatalinong henerasyon ng mga botante.
Ang kasalukuyang mga botante ay namulat na sa katotohanan na ang mga komunistang nakikipaggiyera sa gobyerno ay mga kriminal at terorista na gustong mapabagsak ang ating bansa.
Kaya noong eleksiyon, ipinakita ng mamamayan ang pagkasuya nila sa mga kandidatong kaalyado ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) tulad ng Makabayan bloc.
Gayundin, bumagsak nang husto ang bilang ng mga boto para sa mga partylist na “front” ng CPP-NPA. Si Joma Sison mismo ang nagkumpirma na ang mga grupong ito ay parte ng kanyang organisasyong komunista.
Alam nating maraming ipinapatay na tao ang CPP-NPA, nangingikil din sila sa mga negosyante at naninira ng mga pribadong gamit.
Ngunit, kahit minsan ay hindi nagsasalita ang mga miyembro ng Makabayan laban sa kriminal na gawain ng kanilang mga kaalyado sa CPP-NPA.
Sa wakas ay nagising na ang mga botante at napagtantong niloloko lang sila ng mga dilawan mula pa noong 1986.
Sa termino ng dalawang Cojuangco-Aquino (ang mag-inang ex-P-Cory at ex-P-Noy) ay nakita ng lahat ang kanilang pagkabenggatibo, katamaran sa trabaho at ang mga masasamang polisiya na kanilang ginawa kung saan ang kapwa elitista lamang nila ang yumayaman at nakikinabang habang ang mga dukha ay patuloy na naghihirap.
Ipinakita ng mga “bobotante” ang galit nila sa mga dilawan nang isinuka nila ang mga kandidato sa pagka-senador ng ‘Otso Diretso’.
Wala kahit isa sa mga kandidato ng dilawang grupong ito ang nakapasok sa Senado.
Kahit pa galing sa sikat na pamilya tulad ng mga Roxas, Aquino, Diokno at Tañada ay inayawan ng mga Pilipino ang mga dilawang kandidato.
Hindi lang sa Senado nakita ito kundi pati na rin sa lokal at iba pang posisyon.
Samantala, napakalakas naman ang suportang ibinigay ng mga botante sa mga kandidato ng administrasyon.
Malinaw na hanggang ngayon, sa kanyang pangatlong taon bilang pangulo ay malakas pa rin ang suporta ng masa kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pansinin natin kung gaano kalakas si Pangulong Duterte. Noon, kinakailangan munang makailang taon sa politika ang indibidwal bago maihalal sa posisyon.
Ngayon, kapag inendorso ka ni Pangulong Duterte, malaki ang tsansa mo na makapasok sa puwesto.
Isang halimbawa nito ay ang aide ni Pangulong Duterte na si Christopher “Bong” Go. Noon, walang nakakikilala kay “Bong” Go kundi ang mga taga-Davao.
Pero tingnan ninyo, noong eleksiyon ay nag-number 3 siya na may mahigit 20 milyong boto.
Kalinya niya ang mga beteranong pulitiko at reelectionist na mga senador na sina Cynthia Villar at Grace Poe.
Isa pang nanalo dahil nakita siya bilang “proxy” ni Pangulong Duterte ay si dating PNP Chief General Ronald “Bato” de la Rosa.
Panlima sa bilang si De la Rosa na may mahigit 18 milyong boto at nalampasan pa niya ang dating mga pulitiko na sina Koko Pimentel at Nancy Binay.
Sa resulta ng katatapos lamang na eleksiyon, kitang-kita na inetsapuwera na ng masa ang mga atrabidang pulitiko na walang ginawa kundi ang kumontra sa magagandang programa na ginagawa ng gobyerno tulad ng “Build, Build, Build”, libreng tuition fee at paospital at iba pang ayuda sa mahihirap.
May bagong mundo na sa politika ng Pilipinas at hindi na kasama ang nanggugulong mga komunista at dilawan.





Comments