top of page

Kaalaman tungkol sa genital herpes

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 21, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 34 years at wala pang asawa, gayunman, sexually active ako. Ilang linggo na ang nakalilipas, napansin kong parang may mga butlig ako sa aking ari na may tubig at makati ito. Nababahala ako dahil baka ito ay STD, pero ang sabi ng pinsan ko, baka raw herpes ito dahil parang paltos na maliliit. Ano ang genital herpes, saan ba ito nakukuha at may gamot ba para rito? — Sancho

Sagot

Ang genital herpes o buni ay isang uri ng impeksiyon na sanhi ng Herpes Simplex Virus (HSV). Ang virus na ito ay mayroong dalawang kategorya: Ang HSV 1 at HSV 2.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang genital herpes ang pinaka­karaniwang Sexually Transmitted Disease/Infection (STD/STI). Malalaman na may ganitong kondisyon sa pamamagitan ng pagpapasuri sa espesyalista na nagbibigay ng iba’t ibang HSV testing.

Humigit-kumulang, 90% ng may genital herpes ay hindi alam ang kanilang karam­daman. Hindi rin nila alam na may posibilidad na lumala pa ito dahil minsan, hindi napa­pansin ang mga sintomas nito kahit makalipas pa ang ilang buwan o taon. Gayunman, may mga kasong malala agad ang kondisyon pagkalipas lamang ng ilang araw.

Narito ang ilang sin­tomas ng genital herpes:

  • pamamaga ng ari

  • madalas na pangangati ng ari

  • pamumula ng ari

  • pagtubo ng mga maliliit na supot (vesicles) sa ari

  • maliliit na sugat na puwedeng mapagkamalang kagat ng insekto

Ang sanhi ng genital herpes ay ang HSV 1 at HSV 2 viruses. Nakapapasok ang virus sa mga daanan sa katawan tulad ng bibig, puwit at ari. Kadalasang nananatili lamang ito sa loob ng katawan kapag nakapasok ito.

Dahil ang genital herpes ay nakahahawang impek­siyon,ipinapayo ng mga espesyalista na mag-ingat tuwing nakikipagtalik. Sinu­mang madalas makipagtalik, may penetrasyon man o wala ay maaaring maapektuhan nito.

Mga paraan na naisa­salin ang genital herpes:

  • vaginal sex

  • anal sex

  • paggamit ng sex toys ng iba

  • direct genital contact

Hindi nagagamot ang genital herpes at maaari itong lumala habang tumatagal. Gayunman, maaaring ga­mutin ang mga sintomas nito. Upang hindi lumala ang kondisyon, inirerekomenda ng mga doktor ang pagpapatibay ng immune system.

Narito ang mga paraan upang magamot ang mga sintomas ng genital herpes:

  • Uminom ng anti-viral medications tulad ng aciclovir at famciclovir.

  • Maglagay ng painkiller cream o anaesthetic cream tulad ng petroleum jelly sa itaas ng namumulang parte ng ari.

  • Panatilihing malinis ang ari upang huwag matubuan ng kati-kati at iba pang sugat.

  • Maglagay ng icepack sa namumulang parte ng ari upang mapagaan nito ang sakit o kati.

  • Uminom ng maraming tubig upang mapadali nito ang pagdaloy ng ihi.

  • Iwasang gumamit ng masisikip na kasuotan at piliin ang mga maluluwag na damit upang hindi mairita ang apektadong parte ng ari.

Nananatili pa rin na ang pag-iwas sa pakikipagtalik kung kani-kanino ang pinakapraktikal na paraan upang maiwasan ang genital herpes. Maging responsable at siguraduhing protektado ka at ang iyong partner.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page