STEEPLECHASE KING CAMINO, PAKAY HIGITAN ANG RECORD SA SEAG

GAGAWIN niya ang lahat upang higitan ang pilak na nakuha sa 3000m steeplechase sa Chinese Taipei Open Athletics sa Taoyuan province sa 2019 Southeast Asian Games kung saan muli na namang mapapalaban ang taga-Cagayan de Oro na long distance specialist sa mga bigating kalaban sa rehiyon.
“Hindi ako makapapayag na matalo sa sarili kong bansa at biguin ang aking mga kababayan, ngayon lang nila ako mapapanood. Sa mga sinalihan kong laro, iba ito at sa atin gagawin. Commitment ko ito sa aking mga kababayan na bigyan sila ng kaligayahan,” sabi ni Immuel Camino sa panayam sa kanya sa PATAFA office, na magdiriwang ng kanyang 24 na taong kaarawan sa Hunyo 28.
Sinabi ni Camino na hindi siya nagpabaya at laging naka-pokus sa kanyang ensayo para handa sa oras ng laban at isulat ang kanyang pangalan bilang undisputed steeplechase champion sa SEA Games at duplikahin ang ginawa ni Rene Herrera.
Pinalitan ni Camino si Herrera na dinomina ang steeplechase sa SEA Games sa mahabang panahon bago nagretiro at naging national coach. Ang tubong Guimaras na si Herrera ay bumanat sa London Olympics at World Athletics sa France.
Ang best time ni Camino sa 3000m steeplechase ay 9 minutes at 16.48 seconds, at puntirya niyang higitan ang kanyang nagawa sa Chinese-Taipei matapos dominahin ang NCAA at PATAFA Athletics.
Inaasahan ni PATAFA president Philip E. Juico na magtatagumpay si Camino dahil inspirado at determinado dahil sa ‘Pinas gagawin ang SEA Games na pang-apat na beses na gagawin sa bansa mula 1981 at huling nilaro noong 2005 kung saan, humakot ang mga Pinoy ng 113 gold medals at itinanghal si swimming wonder Eric Buhain na most bemedalled athlete na may seven golds.





Comments