RUSSIA, GINITLA ANG PASIG CHOOKS SA FIBA 3X3 CHALLENGE

HINDI pinalad ang pambato ng Pilipinas, ang Pasig Chooks, sa 2019 FIBA 3X3 Kunshan Challenger sa Huaqiao International Service Business Park, Sabado ng hapon sa Kunshan. Natalo ang mga Pinoy sa kanilang dalawang laro sa Sosnovy Bor ng Rusya, 19-21, at Liman ng Serbia, 12-22, upang magpaalam ng maaga sa torneo na nilahukan ng 16 koponan buhat sa 10 bansa.
Maganda ang simula ng Pasig kontra sa Rusya at lamang ng halos buong laro hanggang biglang tinabla at tuluyang lumamang ang kalaban, 19-17.
Nagawa pang itabla sa huling pagkakataon ang laro sa pamamagitan ng dos ni Joshua Munzon ngunit sinagot ito agad ni Vladislav Meleshkin ng sarili niyang dos upang wakasan ng maaga ang laro.
Binuhat ni Munzon ang Pasig sa kanyang 10 puntos habang nagdagdag ng anim si Taylor Statham. Gumawa ng tres ang bumabalik na si Dylan Ababou at si Troy Rike ang ika-apat na kasapi ng koponan.
Tinangkang bumawi ng mga Pinoy kontra sa Liman, ang numero unong koponan ng torneo, at umarangkada agad sa simula, 3-0.
Subalit iyon na ang huling narinig sa kanila at unti-unti silang inararo ng mga taga-Serbia sa likod ng walong puntos ni Stefan Kojic.
Parehong may anim na puntos sina Statham at Munzon. Hindi nakapuntos sina Rike at Ababou.
Nais sana ng Pasig na magpakita ng mabuti sa torneo upang makasali sa susunod na yugto ng FIBA 3X3 World Tour sa Chengdu ngayong Hunyo 1.
Kahit bigo, may panibagong pagkakataon ang koponan at naimbita sila sa Moscow Challenger ngayong Hunyo 7 kung saan ang mga magwawagi ay tutuloy sa yugto ng FIBA 3X3 World Tour sa Prague, Czech Republic simula Agosto 3.
Ang patuloy na paglahok ng Pasig at iba pang koponang Pinoy ay bahagi ng kampanya na makalikom ng puntos upang makasali ang Pilipinas sa Tokyo 2020 Olympics.
Malaking tulong din ang parating na Pilipinas 3X3 Patriots Cup na nakatakdang magbukas sa susunod na buwan.





Comments