Kung maaaring magbenta ng gamot sa sari-sari store
- BULGAR

- May 20, 2019
- 1 min read
Dear Chief Acosta,
Ako ay matagal nang sari-sari store owner. Halos kumpleto na ang aking mga paninda mula sa pangunahing pangangailangan hanggang sa school supply. May tinda rin akong bigas at mga wholesale na itlog at mantika. Gayunman, may kumare akong nagsabi na magtinda rin daw ako ng mga gamot upang imbes na sa botika sa bayan bumili ang aming mga kapitbahay ay sa akin na lang sila bibili. Naisip kong maganda itong ideya dahil paniguradong dagdag-kita rin ito. Nais kong malaman kung maaari ba akong magbenta ng mga gamot sa aking sari-sari store? — Minerva
Sagot
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 30 ng Republic Act (R.A.) No. 10918 kung saan nakasaad na:
“Section 30. Dispensing/Sale of Pharmaceutical Products. – No Pharmaceutical product, of whatever nature and kind, shall be compounded, dispensed, sold or resold, or otherwise be made available to the consuming public, except through a retail drug outlet licensed by the FDA.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, maaari lamang kayong magbenta ng gamot sa inyong tindahan kung kayo ay mayroong lisensiya para sa pagbebenta nito na magmumula sa Food and Drugs Administration (FDA).
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments