Epekto at side-effects ng metformin sa pasyenteng may diabetes
- BULGAR

- May 20, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Niresetahan ng metformin ang aking 53-year-old na tatay dahil may diabetes daw siya. Ang sabi ng doktor ay kailangan niya itong inumin at dapat din siyang magkaroon ng regular na check-up upang ma-monitor ang kanyang blood sugar. Tama ba ang pag-inom nito ni tatay? Ang sabi nila, nakasisira raw ito ng kidney at okay lang ba na uminom siya ng alak kapag nakainom na ng metformin? Baka bawal ito at hindi niya sinasabi sa kanyang doktor. — Nelle
Sagot
Ang metformin ay gamot para sa diabetes ngunit, inirereseta rin ito sa mga babaeng may polycystic ovary syndrome (PCOS).
Ito ay available bilang tableta at XR o extended release na tableta at kailangan ng reseta ng doktor para makabili ng metformin. Hindi nakabababa ng asukal sa dugo ang metformin sa Type 1 diabetes kung saan ang gamot ay insulin.
Hindi nakasisira ng bato ang metformin, pero bawal itong inumin ng taong may problema sa bato. Kailangang may laman ang tiyan kapag umiinom ng metformin para maiwasan ang posibleng mga side-effect nito sa mga unang linggo ng pag-inom ng gamot tulad ng pagsakit ng tiyan, hangin sa tiyan o paglambot ng dumi.
Puwede ring mawalan ng ganang kumain kapag umiinom ng metformin kaya may mga umiinom nito para magpapayat. Ito ay hindi iminumungkahi dahil puwedeng bumagsak ang asukal sa dugo at mahilo o mahimatay ang taong walang diabetes na iinom ng metformin.
Kung ang iniinom ay metformin XR, dapat lunukin ito nang buo gamit ang isang baso ng tubig. Huwag itong durugin, nguyain o putulin upang hindi mawalan ng bisa ang pagiging extended release nito. Ibig sabihin, ang extended release ay dahan-dahan ang labas ng gamot mula sa tableta. Kadalasan, ito ay inirereseta sa mga taong sumasakit ang tiyan sa metformin na hindi XR.
Maraming brands ng metformin na puwedeng bilhin, may generic na rin ang metformin. Kung anumang brand ang iniinom, sana ay palaging ‘yun ang inumin dahil puwedeng mag-iba ang bisa o epekto nito kung papalit-palit, gayundin, ipagbigay-alam agad sa doktor kung iba ang brand na nabili o iniinom sa kanyang inireseta.
Iba’t iba ang dosage na puwedeng ireseta ng doktor para sa metformin dahil depende ito sa taas ng asukal sa dugo at sa iba pang mga sakit ng pasyente. Huwag magpalit ng dosage nang hindi nagpapaalam sa doktor at huwag ding gayahin ang dosage na para sa ibang tao.
Kung makalimutan ang pag-inom ng gamot, inumin agad ito kapag naalala, pero kung malapit na ang susunod na pag-inom ng gamot ay hintayin na lamang ito upang hindi magdoble ng pag-inom ng gamot.
Ang dye na ginagamit para sa CT scan o x-ray ay puwedeng makaapekto sa bato (kidney) kung umiinom ng metformin. Ipagbigay-alam ito sa doktor kung kailangang magpa-CT scan o x-ray na gagamit ng dye. Kadalasan ay pinahihinto muna ang metformin at muling ipinaiinom matapos ang 48 hours kung wala namang problema sa pag-ihi.
Tandaan, na makabubuti kung iiwasan ng pasyente ang pag-inom ng alak, lalo na kapag umiinom na ng metformin dahil maaaring bumaba ng sobra ang asukal sa dugo ng dahil sa alcohol.




Comments