34 nadale | 2 TREN NG LRT NAGBANGGAAN

SINISIYASAT na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang salpukan ng dalawang tren na ikinasugat ng dose-dosenang pasahero, Sabado ng gabi.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, sisiyasatin ng fact-finding committee kung paano gumalaw ang dead train sa riles na naging sanhi ng salpukan.
Maaari aniyang mabuo na ang report tungkol sa imbestigasyon sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.
Tinatayang 34 na pasahero ng LRT 2 ang nasugatan sa insidente ngunit, wala namang nasa kritikal na kondisyon. Sinagot na rin ng pangasiwaan ng LRT 2 ang gastusin sa ospital ng mga biktima.
Sa mga sugatan, lima na lamang ang nagpapagaling sa pagamutan hanggang kahapon.
Sugatan din ang operator ng tren ngunit, maayos na ang kondisyon nito at nasa kustodiya na ng LRTA. Sinasabing nakatalon ang operator bago pa ang salpukan.
Nangyari ang banggaan malapit sa LRT 2 Anonas Station sa Quezon City, alas-9:15 ng gabi.
Bago ang banggaan, isang tren ng LRT 2 ang nasiraan noong Sabado sa pagitan ng Cubao at Anonas Stations. Inilagay ang tren sa emergency pocket track para ayusin.
Gayunman, alas-9:15 ng gabi nang kusang umandar ang nasirang tren mula sa emergency pocket track patungong rail track na papuntang Santolan Station.
Sa mga oras na iyon, may paparating ding tren mula sa Cubao Station. Bagama’t, tumigil ang paparating na tren matapos maabisuhan sa pamamagitan ng radyo, nagtuluy-tuloy ang pag-andar ng nasirang tren kaya’t bumangga ito.
Natigil ang operasyon ng LRT 2 sa apektadong mga istasyon at bumalik alas-10:47 ng Linggo ng umaga makaraang malinis na ang mga naiwang bakal mula sa banggaan.
Limang tren muna ang pinagana nitong Linggo ngunit, inaasahang madaragdagan na ngayong araw.
Tiniyak naman ng pamunuan ng LRTA na isolated ang nangyari at nananatiling ligtas na sakyan ang mga tren sa bansa.





Comments