top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mabuting koneksiyon sa Diyos, kailangan ng mga mambabatas, period!

Writer: BULGAR
BULGAR
May 19, 2019
3 min read

MAAARI bang magkaroon ng Senado na binubuo ng marangal, matalino, may konsensiya at malayang mamamayan? Ito marahil ang dahilan kaya paulit-ulit na sinasabi ng marami na hinahanap-hanap nila ang mga senador na tulad nina Claro M. Recto, Jose “Ka Pepe” Diokno at Jovito Salonga.

Hindi masasabing santo ang tatlong senador ngunit, hindi rin masasabing sunud-sunuran o “tuta” ang mga ito ng ibang puwersa tulad ng kanilang partido, pamilya, pansariling interes (business interest) o Malacañang.

Kung maipoproklama ang mga nangungunang 12 senador sa katatapos lamang na eleksiyon, magkakatotoo ang sinasabi ng marami na matutupad na ang “pagpatay sa demokrasya”. Tuluyan nang mawawala ang malaya at masiglang pagtatagisan ng tatlong sangay ng pamahalaan. Ang Ehekutibo (binubuo ng pangulo at pangalawang pangulo); ang Lehislatura (Senado at kapulungan ng mga kinatawan) at Hudikatura (Korte Suprema).

Malamang, mala-zarzuela na politika ang iiral kung saan payasong senador ang mga haharap at maririnig ng taumbayan, araw-araw. Ang salita ay pawang palamuti na magpapaganda at magpapatingkad sa walang lasa, walang laman at walang kaluluwang lipunan ng naturang mga “eksperto raw ng batas”. Mag-aaral sa paggawa ng batas dahil lahat naman daw ng bagay ay matututunan kung pag-aaralan, hindi ba? Hmmm…

Tunay bang natututunan ang lahat ng bagay? Mayroong kasabihang Latin na, “nemo dat quod non habet” o hindi mo maibibigay ang bagay na hindi mo naman taglay. Malinaw ang unang mga salita ng Ebanghelyo ni Juan, “Sa simula pa’y naroon na ang salita. Kasama ng Diyos ang salita at ang salita ay Diyos. Kasama Siya ng Diyos sa pasimula pa lang. Sa pamamagitan Niya, nilikha ang lahat ng bagay. Mula sa Kanya ang buhay, ang buhay ay ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman.” (Juan 1:1-5)

Malinaw ang pinagmumulan ng anumang sabihin at gawin ni HesuKristo. Ang Kanyang Salita ay nag-uumapaw sa liwanag, katotohanan, buhay, kalayaan, kapangyarihan, kaginhawahan at kagalingan. Hindi lang eskuwelahan o mga guro ang kailangan nating puntahan upang matuto ng anumang bagay o kakayahan. Kailangang konektado tayo sa pinagmumulan ng lahat, ang salita na sa simula pa lang ay kasama na ng Diyos. Kaya ba nating kilalanin ang Diyos bilang bukal ng lahat kung saan kasama rito ang kakayahang gumawa ng batas, mamahala o magpatakbo ng pamahalaan?

Kailangang balikan ng bawat senador ang “Abakada ng Senado”. Ang ganap na pagyuko at pagluhod ng mga mambabatas sa harap ng bukal ng lahat ng batas kaya ang unang kailangang matutunan ng bawat senador ay pagpapakumbaba o pagsuko ng lahat sa tunay na Diyos at ang pagwaksi sa anuman o sinumang diyus-diyosan na humahawak sa kanilang isip, puso, diwa, pagkatao at kaluluwa.

Nakalulungkot tingnan ang Senado na hindi kikilalanin ang salita. Ang batas ng tao na hindi sumasalamin sa salita ay madaling maging kasangkapan ng kasamaan. Malinaw ang nangyayari sa Malacañang. Hindi ito sumasalamin sa salita, gayundin, ang Korte Suprema at Kongreso. Tila malapit na nating mamalas ang paglubog ng Senado na hindi kumikilala sa salita.

Ihambing natin ang mga senador sa ating mga bayani. Napakadaling makita ang pagkakaiba. Hindi basta nagbubukas ng bibig ang ating mga bayani, bihira rin silang magsalita. Mas mahalagang ipakita nila sa kilos ang kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa Inang Bayan. Kanilang dugo o sariling buhay ang katumbas ng kanilang salita na nakaugat sa salita.

Saan nagmumula, bumubukal ang salita ng sinungaling, mamamatay-tao at magnanakaw? Kung may ganitong senador o kung ganito ang senador natin, kailangan nating hanapin ang Senado ng Inang Bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page