Sakto sa mga naranasan natin noong mga nakaraang buwan, besh! 6 ANIMALS NA NAKAPAGBIBIGAY NG SIGNS S

SUNUD-sunod na paglindol ang naranasan natin nitong mga nagdaang buwan. Masalimuot ang naging epekto nito sapagkat napakaraming buhay ang nawala at maraming gusali ang gumuho.
May pinangangambahang napakalakas at malawakang lindol na tinaguriang “The Big One” na maaaring mangyari anumang oras. Ang epekto ng malalakas na lindol ay lubhang nakapipinsala ng napakaraming buhay at ari-arian sapagkat hindi ito tulad ng bagyo na maaaring malaman ang eksaktong paglapag sa partikular na lugar dahil sa galaw ng hangin.
Kaya, knows ba ninyong, ayon sa mga eksperto, mayroong mga hayop at insekto na sensitibo sa infrasonicsound waves, minute vibrations at low frequency?
Narito ang ilan sa kanila:
1. LANGGAM. Ayon sa tatlong taong pag-aaral sa mga langgam ng ilang dalubhasa sa Germany, napag-alamang bago magkaroon ng lindol na hindi bababa sa Magnitude 2.0 ay nililisan na ng mga langgam ang kanilang “bahay” o ‘yung mga lupang pinamahayan nila. Napag-alamang hindi normal na makita ang mga langgam tuwing gabi sapagkat hindi sila nabibilang sa mga tinaguriang “nocturnal” o mga panggabing insekto. Ang mga mananaliksik mula sa Germany sa University of Duisberg-Essen ay nakakita ng mahigit 15,000 “mounds” o “bahay” ng mga langgam na malapit sa fault lines ng kanilang bansa, 24/7 nila itong binantayan at sinuri. Ayon sa kanila, may posibilidad na nararamdaman ng mga langgam ang paparating na lindol dahil sa pagbabago ng carbon dioxide level.
2. AHAS. Noong Pebrero 4, 1975, sa Haicheng, China, napansin ng mga Tsino ang paglabas ng napakaraming ahas. Ayon sa mga historian, taong 373 B.C. ay pinaniniwalaan ng mga Griyego na nakapagpe-predict ang mga ahas ng mga sakuna tulad ng kakaibang pagkilos ng mga ahas sa siyudad ng Kelike sa Greek kung kailan naganap ang mapaminsalang tsunami.
Nagkaroon man ng biglaang pagbaba ng temperatura, ang nakababahalang kilos ng mga ahas ang nagbigay ng sapat na dahilan sa mga Tsino upang mag-evacuate. Ilang araw ang nakalipas nang biglang tumama ang Magnitude 7.3 sa Haicheng. Libong tao man ang nasawi, ibinaba naman nito ang bilang sa dapat na 150,000 buhay na madadamay.
3. OARFISH. Ang mga oarfish ay naninirahan sa kailaliman ng karagatan na tinatayang mahigit isandaang metrong lalim, kaya wala masyadong maisagawang pag-aaral tungkol dito. Pero, ang pag-ahon nila sa karagatan ay nagbibigay ng kabalisahan sa ilang siyentipiko. Noong 2010, napag-alamang biglaang sumulpot ang mga oarfish sa Japan at ilang araw ang nakalipas ay lumindol sa Chile at Taiwan. Habang noong 2011, tinatayang mahigit 20 oarfishes ang biglaang natagpuan sa Japan bago makaranas ng matinding pagyanig ng lupa na may lakas na Magnitude 7.3.
4. PALAKA. Noon pa man ay pinag-aaralan na ng mga siyentipiko ang mga palaka. Taong 2009, nagulat na lamang sila nang biglang mawala sa pond ang mga alagang palaka. Tatlong araw matapos ang pagkawala ng mga palaka, biglang dinuyan ng Magnitude 5.9 na lindol ang nasabing bansa kung saan mahigit 300 katao ang nasawi.
Ayon sa kanila, 74 kms. ang layo ng epicenter ng nabanggit na lindol sa lugar kung saan pinag-aaralan ang mga palaka. Dahil dito, pinaniniwalaan ng mga siyentipiko na lumikas ang mga palaka matapos makaramdam ng pagbabago sa hangin.
Dagdag pa rito, noong 2008, sa Sichuan, China, winakasan ng Magnitude 7.9 na lindol ang buhay ng 70,000 katao. Ayon sa ilang mga ulat, napakaraming Chinese bloggers ang nakapansin sa libu-libong palaka sa nasabing lugar, tatlong araw bago maganap ang pagyanig na kumitil sa buhay ng libu-libong residente.
5. IBON. Bago maganap ang Magnitude 5.8 na lindol sa U.S. East Coast noong 2011, napag-alamang ang mga flamingo sa mga zoo ay biglaang nagsama-sama at nagtabi-tabi, gayundin, ang mga pato ay biglaang nagsilusong sa tubig. Sa mga bansang India at Sri Lanka, Disyembre 2004, nang biglaang nagsama-sama ang mga flamingo at sabay-sabay lumipad at nilisan ang mga low-lying area bago maganap ang hindi inaasahang tsunami na kumitil sa buhay ng 150,000 katao.
6. BUBUYOG. Bago maganap ang malakas na lindol sa North Carolina at Indiana, naglabasan ang mga bubuyog at sinundan ng malakas na pagyanig ng lupa. Ayon sa mga siyentipiko, nagtatago ang mga bubuyog sa kanilang hives bago bumagsak ang ulan dahil mayroon silang kakayahang maramdaman ang pagbabago ng moisture sa hangin.
Bawat kalamidad at sakuna ay hindi biro o laro. Kaya mga lodi, dapat tayong maging handa at alisto sa banta ng panahon, gayundin, umpisahan na natin ang pagiging disiplinado. Tandaan nating ang kalikasan ay ipinagkaloob sa atin hindi para abusuhin o sirain kundi para alagaan.
Sa bawat pakinabang na ibinibigay nito sa atin, may kaakibat itong responsibilidad na panatilihin ang kanyang kagandahan. Parang lovelife lang ‘yan, mga ‘tol! Give and take dapat hindi ‘yung take lang nang take!
Gets mo?





Comments