top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Maayos na proseso ng pagtatanim, dapat tularan sa pagpili ng kandidato tuwing eleksiyon upang maging

Writer: BULGAR
BULGAR
May 18, 2019
2 min read

PAPASOK pa lamang tayo ng Simbahan bandang 6:30 ng gabi noong nakaraang Miyerkules nang biglang kumulog at kumidlat nang sunud-sunod. Nabigla ang mga matatanda at nangilabot sa takot ang mga bata.

Nang nakarating tayo sa altar, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Pista noon ni San Isidro Labrador at naroon ang marami upang magpasalamat sa mga biyayang kanilang natanggap sa pama­magitan ng patron ng parokya. Gayunman, hindi natin sinimulan agad ang misa at sa halip, binigyang-pansin natin ang kulog, kidlat at malakas na ulan.

Nakikiisa sa atin ang patron na si San Isidro Labrador. Masaya at nais niyang ibahagi ang biyaya ng ulan at masaganang ani. Habang tayo ay nagsasalita, tuluy-tuloy ang dagundong ng kulog at pagsiklab ng kidlat na animo’y nasa tabi lang ng munting Simbahan ng San Isidro Labrador sa Bgy. Pinyahan, Quezon City.

Tayo ay nabubuhay sa pagsasanib-puwersa ng magsasaka at kalikasan, kumbaga, kulang kapag walang aanihin at walang aani. Salamat sa pagkaka­ibigan ng kalikasan at magsasaka.

Sa mga nagdaang araw, maraming nalungkot at nadismaya sa naging resulta ng katatapos lang na halalan. Maraming nagtanong, bakit nanalo ang ilan sa mga kandidatong manda­ram­bong, sinungaling at iba pang may hindi magandang reputasyon?

Sinikap nating ipaliwanag ang mga pangyayari sa pananaw at diwa ng halimbawa ni San Isidro Labrador. Siya ay magsasaka, bigyang-pansin natin ang apat na pinakamahalagang yugto ng proseso ng pagpapasagana ng kalikasan at likas na yaman: Ang pagsasaka, pagbubungkal at pag-aara­ro ng lupa; pagpupunla at pagtatanim ng maganda at malusog na binhi; pag­di­dilig at pagpapataba sa mga itina­nim na binhi at ang huli ay pag-aani.

Marahil, masama ang ating mga inaani sa ngayon dahil hindi natin natutukan ang edukasyon (pagpili, pagsusuri, pangingilatis ng kalooban ng Diyos) sa pagpili ng mga kandidato. Kung nais ng mamamayan ng mabisang edukasyon, kailangang hindi tayo nagmamadali at pinag-aralan nating mabuti ang proseso kasama ang Inang Kalikasan.

Kulang o halos walang paghahanda ng lupa, pagbubungkal, pag-aararo at pagdadamo. Hindi inihanda ang pag-iisip, puso, diwa at kaluluwa ng maraming mamamayan kaya kung sinu-sino na lang ang pinili. Huwag tayong magtaka kung bakit masama ang kinalabasan ng pag-ani.

Mahigit tatlong buwan ang panahon na ibinigay sa pangangam­panya ng mga kandidato sa national position at halos dalawang buwan naman para sa mga kandidato sa lokal.

Sa kabila nito, hindi na kailangang turuan sa pagpasya at pagpili ang mga tao dahil mayroong mas madali at mabilis na paraan, “ang regalo, materyal na bagay o pera.”

Ang tunay na edukasyon ay hindi minamadali. Kailangan ng sapat na panahon, mahusay at matinong guro. Kailangang handa at pinataba ng mabuti ang lupa upang sa huli ay tama at matino ang ani.

Gayunman, hindi natutulog at tuluy-tuloy ang pagkilos ng Diyos sa kabila ng hindi maganda at nakasisira ng loob na sitwasyon. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti at tama. Ito ang gusto ng Diyos, ito ang pagpapalain Niya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page