Ginulpi, pinasukan ng pipino sa ari | OFW, PATAY SA AMO


PATAY ang 47-anyos na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait matapos umanong pagmalupitan at abusuhin ng kanyang amo.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang nasawing domestic household worker ay si Constancia Lago Dayag na taga-Agadanan, Isabela.
Ani Labor Sec. Silvestre Bello III, batay sa inisyal na ulat, dinala si Dayag sa Al-Sabbah Hospital pero, idineklara itong dead-on-arrival.
Marami umanong pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang OFW.
May nakita pa umanong pipino sa pribadong bahagi ni Dayag.
Kaugnay nito, inutusan ng kalihim ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) na hanapin ang foreign at local agencies na nagpadala sa OFW sa Kuwait.
Samantala, nakiramay ang opisyal sa pamilya ni Dayag at nangako ito ng tulong at hustisya para sa bikima.
Ang panibagong insidenteng ito ng pagpatay sa Filipina worker ay kasunod ng pamamaslang kay Joanna Demafelis na ang bangkay ay natagpuan sa loob ng freezer. (BRT)





Comments