ATENEO, SINUNGKIT ANG TITULO SA UAAP FOOTBALL


NAKAPUWERSA ng extra time ang Ateneo de Manila sa pamamagitan ni Jarvey Gayoso na naging daan upang maigupo ang kanilang archrival De La Salle, 2-1, para makopo ang titulo ng UAAP Season ‘81 Men’s Football Tournament noong Huwebes ng hapon sa Rizal Memorial Stadium.
Tila patungo na ang Green Archers sa target nilang pagtapos sa kanilang 21-year title drought pagkaraang umiskor ang rookie na si Mohammad Almohjili ng goal sa 78th minute.
Pero mula roon, pinatunayan ni Gayoso kung bakit sya ang itinanghal na season MVP at fourth straight Best Striker awardee nang itabla nito ang laban sa stoppage time na naghatid sa laban sa ekstrang 30 minuto.
Galing sa assist ni Luke Alleje, ipinasok ni Gayoso ang kanyang ika-12 goal ngayong season.
Kasunod nito, umiskor si Julian Roxas, isa sa tatlong graduating players ng Ateneo, ng 100th minute goal buhat sa cross pass ni Alleje na siyang naging winning goal ng laro.
Ito na ang ikalawang titulo ng Ateneo sa loob ng tatlong taon at kanilang ikawalong pangkalahatan. (VA)





Comments