Ultimatum sa basura, dinedma | MGA AMBASSADOR, CONSUL NG ‘PINAS SA CANADA, UWI — DFA
- Gina Pleñago
- May 17, 2019
- 1 min read

INIUTOS ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro ‘Teddyboy’ Locsin na i-recall ang lahat ng opisyal at tauhan ng Embahada at ng Konsulado ng Pilipinas na nakabase sa Canada.
Anumang araw o oras ay ipauuwi na sa bansa ang mga opisyal at mga empleyado ng Embahada.
Ayon sa kalihim, i-recall ang lahat ng opisyal at mga tauhan nito matapos dumating ang deadline na Mayo 15 na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte na hakutin ng Canada ang kanilang mga basura sa bansa.
Nabigo umano ang pamahalaan ng Canada na tumalima sa Mayo 15 deadline ng pamahalaan para hakutin ang kanilang basura na nasa Pilipinas na kanilang ipinadala.
Binigyang-diin ng opisyal na seryoso ang pangulo sa mga pahayag nito na dapat gumawa ng hakbang ang Canada para mahakot ang kanilang mga basura sa bansa. Sinabi pa ni Locsin na hindi niya pababalikin sa Canada ang mga opisyal at empleyado na pinauwi sa bansa hangga’t hindi iniaalis ang mga basura rito.
Naglabas ng kautusan si Locsin kahapon sa mga ambasador o opisyal sa nasabing bansa na hindi sila makababalik doon sa loob ng ilang araw hangga’t hindi sila makatugon sa kautusan ng pangulo na ibinigay na deadline nito.
Itinakda ni Pangulong Duterte ang deadline upang ibalik sa Canada ang basura na may 100 containers ng basura na puno ng laman ng bottle, plastic bag , diaper at iba pa na dumating sa Maynila noong 2013 hanggang 2014.





Comments