Proud, wala raw balak ipaayos… SIGAW NI BARBIE: AKO ANG DARNA NA 'DI PANTAY ANG D*DE!


NATUWA kami kay Barbie Imperial nang makita at mainterbyu namin kahapon sa presscon ng latest Regal Entertainment, Inc. movie na Finding You na pinagbibidahan nila nina Jane Oineza at Jerome Ponce.
Kulay ng buhok lang ang nagbago kay Barbie pero hindi ang kanyang attitude, kahit pa kung tutuusin, nag-level-up na ang kanyang pangalan pagkatapos ng Araw Gabi serye nila ni JM de Guzman.
Nang may itanong kami sa tisay na aktres tungkol kay JM, pinisil niya kami sa braso na tanda ng pagbati niya at pag-alala sa first meeting namin nu’ng presscon ng Araw Gabi last year.
At ang mas na-appreciate namin kay Barbie, ang pagiging totoo nito sa mga sagot. Wala siyang sugarcoating at hindi sinungaling. Wa’ na kami name names ng mga artistang nainterbyu namin noon na obyus namang plastic, basta tinandaan na lang namin sila. Hahaha!
Sa interview kay Barbie after ng presscon proper ng Finding You, muli siyang natanong sa naging rebelasyon niya sa Tonight with Boy Abunda tungkol sa nangyari sa relasyon nila ni JM de Guzman.
Unang nilinaw ni Barbie, hindi naman siya pinaasa ni JM at hindi rin naman daw naging sila.
Pero inamin niyang minahal niya ang guwapo at morenong aktor at alam daw niyang minahal din naman siya nito.
Ang ikinagalit daw ni Barbie kaya hindi pa siya handang maging friends sila ngayon ni JM ay ang pagsisinungaling at ‘di pag-amin ng aktor na nagmahalan din naman sila kahit paano.
‘Yun nga lang, ayon kay Barbie, desisyon niyang ‘wag nang ituloy ang relasyon nila ni JM dahil naramdaman daw nilang parang ‘di pa tamang panahon na maging sila. Gusto nilang ayusin at maging buo ang relasyon nila, pero sa kani-kanilang sarili ay may dapat pa palang ayusin, maybe dahil sa pareho nilang pinagdaanan sa kanilang mga ex-partners.
May sinabi rin si Barbie na may nagawa sa kanya si JM na nakasakit sa kanya at ayaw naman daw niyang may magawa si JM sa sarili na ikasisira nito kaya nagdesisyon siyang ‘wag na nga lang ituloy ang relasyon nila.
Ayaw naman na niyang idetalye kung ano ang tungkol du’n at hiniling niyang ipaubaya na lang sa kanilang dalawa dahil ayaw din naman niya ‘yung naninira ng ex-partner lalo’t minahal din naman niya si JM.
Diretso naming tinanong si Barbie kung sinaktan ba siya physically ni JM at diretso ring sagot niya, “Wala pong physical. Hindi siya ganu’n.”
Nasaktan lang daw siya emotionally at ipinagtanggol niya si JM sa isyung nananakit ito kaya iniiwan ng mga nagiging girlfriend.
Samantala, ‘di lang kami tuwang-tuwa kay Barbie, tawang-tawa pa kami nang paulit-ulit niyang sabihin sa harap ng TV camera ang word na “dede” nang mapag-usapan ang kanyang ‘di pantay na boobs na naging issue dahil sa nai-post niyang picture niya sa Instagram.
May nakapansin kasing netizen na hindi pantay ang kanyang boobs at ginawa itong big deal.
Habang iniinterbyu at nakatutok kay Barbie ang TV camera, natanong siya kung interesado rin ba siya sa Darna role.
Aniya, “Siyempre, sino ba namang hindi? Pero alam ko sa sarili ko na kailangan, super ready ako kasi ‘di siya basta-basta lang na project.”
Ready din ba siyang suotin ang Darna costume?
“Kaso kasi, hindi raw pantay ‘yung ano (boobs) ko,” natawang sey ni Barbie.
Dagdag pa niya, “Siguro po, kung magiging Darna ako, ang pagkakaiba ko lang, ‘di pantay,” kaya nagkatawanan na lang.
Anyway, super happy si Barbie na malaki ang role niya sa Finding You bilang ex-GF ni Jerome Ponce na best friend naman ni Jane Oineza.
Excited sila sa kakaibang kuwento ng movie kung saan ang karakter ni Jerome ay may hyperthymesia na kabaligtaran ng amnesia, kaya lahat ng detalye sa buhay niya ay naaalala at tandang-tanda niya lumipas man ang maraming taon.
Showing na ang Finding You sa May 29 mula sa direksiyon ni Easy Ferrer at produced ng Regal Entertainment, Inc..





Comments