4 timbog sa droga at baril-barilan
- Maeng Santos
- May 17, 2019
- 1 min read

APAT na hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang ang helper na nakuhanan ng baril-barilan ang arestado sa magkahiwalay na insidente sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Alas-10:30 ng gabi, nagsasagawa ng pagmamanman ang mga operatiba ng Caloocan Police Station Special Operation Unit sa pangunguna ni P/Capt. Jervies Soriano sa kahabaan ng M. Arce St., Bgy. 75 nang makita ng mga ito si Iku Yamawaki alyas Sadam, 25, na nakatayo.
Nang mapansin ng suspek ang presensiya ng mga pulis, naglabas ito ng baril at itinutok sa mga operatiba subalit, mabilis itong nasunggaban.
Narekober kay Yamawaki ang baril-barilan at dalawang sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nauna rito, alas-8:30 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ni PCP-2 Commander P/Maj. Merben Bryan Lago sina Victor Soria, 31, pedicab driver; Celso Dumanlang, 32, pedicab driver at Jaime Lagman, 50, jeepney barker dahil sa pag-aamok at pag-eskandalo sa kahabaan ng L. Lupa, Bgy. 32.
Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang tatlong sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu.





Comments