SMB, KAMPEON SA ALL-PINOY CUP
- BULGAR

- May 16, 2019
- 1 min read

NAGING matatag sa endgame ang San Miguel Beer upang hablutin ang korona matapos lagukin ang 72-71 panalo laban sa Magnolia Hotshots sa Game 7 ng PBA Philippine Cup finals kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagtala si Alex Cabagnot ng 18 points upang tulungan ang Beermen na itarak ang 4-3 serye.
Ipinaramdam ng Hotshots ang higpit ng kanilang depensa sa unang dalawang periods kaya naman nakuha nila ang 13-point lead, 38-25 sa halftime.
Nilimitahan ng Magnolia sa limang puntos ang Beermen sa second quarter kaya nahawakan nila ang malaking bentahe.
Bahagyang nag-init ang opensa ng Beermen sa third, naibaba nila sa walo ang kanilang hinahabol, 50-58 papasok ng fourth canto.
Nakahirit ng do-or-die ang San Miguel matapos nilang lagukin ang 98-86 panalo sa Game 6 noong Linggo.
Samantala, nagdesisyon ang Rain or Shine Elasto Painters na bitawan na ang big man nila na si Raymond Almazan.
Nakaraan lamang ay lumabas ang balitang sa Meralco ibabato si Almazan kapalit ng pares ng future first-round draft picks ng Bolts. “Ang kapalit is yung first-rounder sa next draft at yung isa pa sa one draft after. So it’s two first-rounders in the next three years. Pero depende pa rin sa approval yun,” ayon sa impormante na ayaw pabanggit ang pangalan.
Naipasa na ang trade sa Office of the Commissioner sa Bagumbayan, Libis, QC nitong Biyernes at hanggang ngayon ay hinihintay na lang na maaprubahan. Sinimulan na ni Commissioner Willie Marcial at kanyang trade committee ang pag-uusap sa nasabing swap. (ATD)





Comments