SASO, EENSAYONG MABUTI PARA SA U.S. OPEN GOLF

IPAGPAPATULOY ng bagong mukha ng women’s golf ng Pilipinas na si Yuka Saso ang pagpapataas ng kalibre ng kanyang laro sa paglahok niya ngayong Mayo 30 hanggang Hunyo 3 sa prestihiyosong 2019 U.S. Women’s Open Golf Championship sa Country Club of Charleston ng South Carolina.
Hindi basta natitinag ang 17-taong-gulang na Pinay-Japanese sa pressure ng laro at marami nang katibayan dito. Kamakailan ay hinablot niya ang pangatlong puwesto ng 2019 Augusta National Women’s Amateur Championship sa Georgia matapos itong humarurot sa huling round ng kompetisyong umakit ng mga malulupit na amateur golfers mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig. Ang nakakabilib pa nito ay humataw siya mula sa 11th place para masungkit ang huling upuan sa podium.
Noong mga nakaraang bakbakan, naiuwi rin ni Saso ang dalawang gintong medalya sa 2018 Asian Games, pumangalawa siya sa Annika Invitational Australasia sa Rolex Tournament of Champions, 2018 Women’s Amateur Asia Pacific Championship at sa Youth Olympic Games (Argentina).
Pero sa U.S. Women’s Open Championship na magsisimula sa dulong bahagi ng kasalukuyang buwan, 47 sa top 50 professional lady golfers sa buong mundo ang kasama ni Saso sa mga nag-aambisyong maging reyna ng paligsahan.
Si Saso ay nakakuha ng upuan sa torneo matapos itong mangibabaw sa Sectional Qualifiers na ginanap sa Druid Hills Golf Club ng Atlanta, Georgia. Dito, dinaig ng iskor niyang 133 ang kartada ng mga professional golfers na sina Leona Maguire (134) ng Ireland, pambato ng Spain na si Fatima Fernandez Cano (135) at Nicole Sakamoto (137) ng Honolulu, Hawaii.
Ang Pinay teener lang ang tanging amateur na nakapasok sa top 4 ng sectional qualifier sa Georgia pero kapag nagsimula na ang main event na sasalihan ng mahigit 100 parbusters, kasama si Saso sa dalawang dosenang amateur golfers na nag-qualify.
Sa Westminster, Colorado, hindi pinalad na makapasok si Dottie Ardina sa main draw ng sagupaang gaganapin sa ika-74 pagkakataon matapos pumangalawa sa sectional qualifiers ng naturang lugar. Sa kabila nito, may tsansa pa siyang makasali kung sakali dahil siya ang Alternate no. 1 dito.





Comments