top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

MAPAPAHAMON ANG PASIG CHOOKS SA FIBA 3X3 KUNSHAN CHALLENGE CHINA

A. Servinio
May 16, 2019
2 min read

PANIBAGONG hamon ang haharapin ng Pasig Chooks sa kanilang paglahok sa FIBA 3X3 Kunshan Challenger ngayong Mayo 18 at 19 sa China.

Inilagay ang mga Pinoy sa Grupo A kasama ang Sosnovy Bor ng Russia at ang nu­mero unong koponan sa buong mundo, ang Lima ng Serbia.

Nakatakdang lumipad ang koponan ngayong Biyernes at kakatawanin ang Pasig ng dalawang pinakamatinik na man­lalarong 3X3 sa bansa, sina Taylor Statham at Joshua Munzon.

Sasamahan sila nina Troy Rike at beteranong si Dylan Ababou na bumabalik matapos mapilayan sa Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 President’s Cup noong Marso.

Tinalo ng Pasig ang Liman, 19-16, sa unang yugto ng FIBA 3X3 World Tour sa Doha, Qatar noong Abril. Bumawi ang mga taga-Serbia at lumaban sa kampeonato pero yumuko sila sa Riga ng Latvia ng isang puntos, 14-15.

Ang parehong mga Latvian ay maglalaro sa Grupo B ka­sama ang Zhonggang ng China at Kranj ng Slovenia. Nasa Grupo C ang Beijing South ng China, The Hague ng Nether­lands at isang qualifier habang ang Grupo D ay ang kampeon ng Chooks To Go Asia Pacific Super Quest Tokyo Dime ng Japan, Ralja Intergalactic ng Serbia at isa pang qualifier.

Nakamit ng Pasig City ang karapatang maglaro sa Kun­shan sa bisa ng kanilang pagpasok sa semifinals ng Super Quest noong Abril sa Megamall.

Ang isa pang semifinalist, ang Jakarta West Bandits ng Indonesia ay pasok din sa Kunshan subalit kailangan nila na dumaan sa qualifier bago makasama sa main draw.

Maglalaro ang Bandits kontra sa Korolev ng Russia at Al Shamal City ng Qatar habang tatlong koponang Tsino – ang Changzhou, Yangtse at Kunshan – ang magtutuos para sa isa pang puwesto sa main draw.

Ang dalawang maglalaro para sa kampeonato ay tutuloy sa susunod na yugto ng FIBA 3X3 World Tour sa Chengdu, China mula Hunyo 1 at 2, 2019.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page