Bago magdeklara ng nanalo | HALALAN, TIYAKING ‘DI NADAYA — CBCP

UMAPELA ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action (NASSA)/Caritas Philippines sa Commission on Elections na huwag munang iproklama ang mga nanalong kandidato sa national level.
Ayon kay Fr. Edwin Gariguez, Executive Secretary ng komisyon, ito ay hanggat hindi napatutunayang walang naganap na pandaraya sa Comelec at Smartmatic.
Nilinaw naman ni Gariguez na hindi nila tuwirang inaakusahan ang Comelec at Smartmatic ng pandaraya.
Nais lamang umano nila na linawin at linisin ang bahid ng pagdududa ng taumbayan sa mahabang delay ng transmission of results.
“Ang aming kahilingan ay seryosohin ‘yung allegation, actually hindi naman natin sinasabi direkta na may dayaan, merong allegations of fraud and manipulation so, what we are requesting or demanding to do is to suspend the proclamation until these allegations have been validated or disproved.” pahayag ni Gariguez sa panayam ng Radyo Veritas.
Mahalaga aniyang imbestigahan mismo ang Comelec at Smartmatic na pangungunahan ng isang independent body o ng citizen’s arm upang matiyak na magiging patas ito at mapalalabas ang katothanan.
Matatandaang, sa pagsisimula ng transmission ng mga data ng boto noong Lunes, ika-13 ng Mayo ay naantala ito ng halos pitong oras.
Nilinaw ni Comelec spokesperson James Jimenez na walang naging problema sa transmission ng mga resulta mula sa mga Vote Counting Machines o VCM patungo sa ComElec Transparency Server.
Idinahilan ng Comelec ang pagkaroon ng problema o “java error” sa pagpapasa ng mga data mula sa Transparency Server patungo sa media partners at maging sa PPCRV.





Comments