Pulis binentahan | TRICYCLE DRIVER TIMBOG SA DROGA
- Maeng Santos
- May 15, 2019
- 1 min read

ISANG tricycle driver na sideline umano ang pagbebenta ng iligal na droga ang arestado matapos magbenta ng shabu sa pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni NPD District Drug Enforcement Unit Head P/Major Antonio Naag ang naarestong suspek na si Paul Romero Llacer alyas KoyKoy, 23, ng Bgy. 33, Gagalangin, Tondo, Manila.
Ayon kay DDEU Investigator PCpl. Jezell delos Santos, alas-12:30 ng hapon nang ikasa ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni P/Major Naag ang buy-bust operation kontra kay Llacer sa Tamban St., Bgy. 20 matapos ang natanggap na ulat ng pulisya hinggil sa pagbebenta nito ng iligal na droga.
Nagawang makaiskor ni PCpl. Aldrin Pascual sa suspek ng sachet ng shabu kapalit ng P500 marked money at nang magkabayaran na, agad nitong sinunggaban si Llacer.
Narekober sa suspek ang buy-bust money at isa pang sachet ng hinihinalang shabu.





Comments