Panawagan sa mga kandidatong nanalo, huwag sayangin ang boto ng mga Pilipino!
- Ryan B. Sison
- May 15, 2019
- 1 min read

‘IKA nga nila, finish na, may nanalo na!
Matagal na paghahanda ang ating isinagawa sa naganap na halalan kung saan naging mahigpit ang mga kinauukulan sa pagpapatupad ng gun ban, liquor ban at kung anu-ano pa para lamang magkaroon nang maayos at mapayapang 2019 Midterm Elections.
Pero, ngayong tapos at may mga kumpirmado nang nanalo sa iba’t ibang lugar, ang tanong natin sa sambayanan, magiging worth it kaya ang boto na ating pinaninindigan?
Sa ngayon, ang tanging hiling natin sa mga nanalo at mananalo pa lamang, huwag n’yo naman sanang sayangin ang aming boto.
Marahil, marami sa Pilipino ang sinasabing naging “bobotante” sa pagboto dahil kulang sa kaalaman, biktima ng vote-buying at marami pang iba, patunayan pa rin ninyong karapat-dapat kayong maupo sa puwesto.
Itigil na ang pangungurakot dahil ang kailangan ng bayan ngayon ay tunay na paglilingkod.
Walang maidudulot ang pag-upo ninyo sa puwesto kung puro katiwalian ang inyong gagawin.
Gayunman, hindi lingid sa ating kaalaman na marami pa ring problema at suliranin ang hindi nasosolusyunan sa bansa at ‘yun ang dapat ninyong pagtuunan agad ng pansin.
Kung gusto talaga natin ng pagbabago, huwag maging gahaman at tuparin ang mga ipinangako sa bayan, kumbaga, sa lakad ng barkada, kulayan ninyo ang inyong mga plataporma nang sa gayun ay hindi madismaya ang taumbayan.
Bigyang-prayoridad ang mga kinakailangan at bitiwan ang paggawa ng katiwalian!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments