GILAS WOMEN’S TEAM, READY NA SA FIBA 3X3 ASIA CUP

HANDA nang sumabak sa 2019 FIBA 3X3 Asia Cup ang koponan ng Pilipinas na sina Janine Pontejos, Clare Castro, Afril Bernardino at Jack Danielle Animam simula ngayong Mayo 22 hanggang 26 sa Changsha, China.
Malaking hamon ang naghihintay sa mga Pinay dahil kailangan nila munang dumaan sa qualifying round bago masama sa main draw ngunit kampante si Coach Patrick Aquino na kakayanin ito ng kanyang mga manlalaro.
Una nilang lalabanan ang mga koponan ng Chinese-Taipei, Samoa at Vanuatu sa qualifiers. Kung papalarin, ilalagay sila sa Grupo C kasama ang naghihintay na Japan at Sri Lanka.
Ang iba pang bansa na maaring makaharap ng Pilipinas patungo sa kampeonato ay ang defending champion New Zealand, Australia at host China sa Grupo A, Mongolia, Kazakhstan at Kyrgyzstan sa Grupo B at Iran, Turkmenistan ang isa pang qualifier sa Grupo D. Ang Malaysia, Maldives, Thailand at India ang maglalaban para sa isa pang puwesto.
“Medyo mahirap at mas maraming karanasan sa 3X3 ang aming mga makahaharap pero gagawin namin ang lahat para umangat ang Pilipinas,” wika ni Coach Aquino sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel Manila.
“Target din namin ang 2020 Tokyo Olympics at pati na rin ang 2024 Paris Olympics kaya sasali kami para tumaas ang puntos natin sa FIBA.”
Maliban sa 3X3, inaasahan na sasali si Pontejos sa Three-Point Shootout. Para naman sa 6’2" na si Animam, masaya siya at nabibigyan na ng pansin ang basketball ng kababaihan.
Hindi sumali ang Pilipinas noong 2018 sa Shenzhen na nagtapos noong Mayo 1. Sa halip, sina Animam, Pontejos at Bernardino kasama si Gemma Miranda ang kumatawan sa bansa sa 2018 FIBA 3X3 World Cup na ginanap sa Philippine Arena sa sumunod na buwan.





Comments