Pulis, 2 pa tiklo sa droga
- Maeng Santos
- May 14, 2019
- 1 min read

TATLONG hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang ang AWOL na pulis na kasama sa target ng ikinasang buy-bust operation ng mga pulis ang arestado sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit Head PCpt. Deo Cabildo ang mga naarestong suspek na sina Leo Castillo alyas Bong, 45, AWOL police officer, Aurea Raod, 43, at Leopoldo Canibel alyas Loloy, 30, tricycle driver ng Bgy. Sta. Maria, Bulacan.
Ayon kay PCpt. Cabildo, alas-2:10 ng madaling-araw nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PCpt. John David Chua ang buy-bust operation kontra kina Castillo at Raod sa Bgy. 173.
Matapos iabot ng mga suspek ang sachet ng shabu kay PCpl. Christopher Mamales na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P200 marked money, agad lumusob ang back-up na mga operatiba saka inaresto sina Castillo at Raod.
Timbog din si Canibel matapos maaktuhang nakikipagtransaksiyon ng droga kay Castillo. Narekober sa mga suspek ang anim na sachets ng hinihinalang shabu, buy-bust money at coin purse.





Comments