Alamin mula kay Maestro... MGA BAGAY NA DAPAT GAWIN NG TANDANG NGAYONG TAON NG MGA BABOY



NGAYONG 2019, sinasabing maraming mga bagay at pangyayari ang papabor sa kapalaran ng Tandang, kaya anuman ang kanyang simulan at gawin, tiyak na ito ay magtatagumpay. Ibig sabihin, susuwertehin at magkakaroon ng magagandang kapalaran ang Tandang ngayong Taon ng mga Baboy, lalo na sa career, pag-ibig at aspetong pampinansiyal.
Dagdag pa rito, sinasabi ring ‘yung mga dating kabiguan at mga negatibong naganap sa buhay ng Tandang ay unti-unti nang matatakpan ng tagumpay at kaligayahan ngayong 2019.
Sinasabi ring bagama’t, may mga maliliit na problema at suliraning kakatok sa kapalaran ng Tandang ngayong taon, ang lahat ng mga suliraning ito ay madali namang mareresolba at malulutas.
Ang ikinaganda pa nito, posible ring ‘yung mga pangit na kapalaran ay mai-convert o mas mapagaganda pa ng matalinong Tandang nang hindi niya inaasahan. Kumbaga, sa kabila ng mga suliranin, may dagdag na suwerte at magagandang kapalaran pang bigla-bigla na lang darating.
Sa mga dadaluhang pagtitipon, sinasabi ring dagdag na salapi ang mapakikinabangan ng mga Tandang kung saan may pangako rin ng makabuluhang mga paglalakbay at dobleng-tubo o kita sa anumang investment na kanilang papasukan. Marami ring sorpresa at hindi inaasahang karangalan ang matatanggap ng Tandang ngayong 2019.
Upang lalong makamit ang mga pagpapala at mabuting kapalaran, iminumungkahi na dapat umiwas ang mga Tandang sa matitinding pakikipagtalo at debate.
Nangyari ito dahil may babala ang kapalaran na ang maliliit na hindi pagkakaunawaan ay mauuwi sa malalaki at malalang problema, pero kung mapananatiling kampante at hindi magiging marahas, sa halip, ay paiiralin ang diplomasya at kahinahunan, tulad ng nasabi na, mas marami pang suwerte at magagandang kapalaran ang bubuhos sa karanasan ng Tandang.
Sa negosyo at pagkakakitaan, sinasabing aangat nang husto sa aspetong pampinansyal at pangkabuhayan ang Tandang, ang problema nga lang, kapag hindi niya iniwasan ang sobrang luho at wala sa lugar na paggastos, maaaring ang magandang kabuhayan o ang mga salaping tatanggapin ng Tandang ngayong 2019 ay unti-unti ring mauubos at masisimot.
Ibig sabihin, kung ikaw ay Tandang at kumita ka ng malalaking halaga ngayong 2019 o kaya ay nakahawak ka ng dambuhalang halaga ng salapi, dapat mo pa ring pairalin ang pagtitipid at pagsisinop ng kabuhayan upang lubos mong mapakinabangan ang mga biyayang pangmateryal na ipagkakaloob sa iyo ng langit.
Sinasabi ring maraming magagandang oportunidad ng pagkakakitaan ang darating sa Tandang na dapat hindi siya matakot o mag-alinlangan, sa halip, tuka lang nang tuka sa bawat butil ng mga biyaya na mahuhulog mula sa langit.
Kung magbebenta naman o bibili ng mga bagay, hindi ito inirerekomenda ngayong Taon ng mga Baboy, sa halip, ang pagbebenta at pagbili ay dapat gawin sa susunod na taong 2020.
Dagdag pa rito, hindi rin inirerekomenda na magbago ng career, sa halip, mas magiging maunlad at aasenso ang career kung pansamantalang mananatili muna sa dating pinagkakakitaan at ikinabubuhay ang Tandang.
Ang pinakapaborable at magandang gawin ng Tandang ngayong 2019 para sa kanyang career at kabuhayan ay ang magdagdag ng skills at kaalaman.
Sa ganyang paraan, pinagsikapang i-develop ang iyong personality at skills, lalo pang magniningning ang suwerte at magagandang kapalaran ng Tandang sa buong taon.
(Itutuloy)




Comments