Livelihood assistance ng PCUP para sa mga maralita, alamin!


KASABAY ng pagdiriwang ng Araw ng mga Ina kahapon, tunay na pinahahalagahan natin ang sakripisyo at pagsisikap ng mga ilaw ng tahanan upang maitaguyod ng matiwasay ang kanilang pamilya. Ginagawan nila ng paraan ang lahat ng bagay upang maging komportable ang pamumuhay ng kanilang asawa at mga anak, tulad ng isyu natin ngayon.
Isa sa mga tinutulungan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ay kababaihang maralita na nais magkaroon ng pangkabuhayan sa pamamagitan ng ating programa sa livelihood na nagbibigay ng tulong-teknikal.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Ako ay 48 years old at may tatlong anak. Nagbabalak kaming mga maybahay sa aming barangay na magkaroon ng kooperatiba para may maitulong kami sa aming pamilya na pandagdag sa gastusin. Hihingi sana kami ng tulong sa inyo para sa maaari naming gawin upang makapagsimula. Salamat! — Carmela ng Bulacan
Sagot
Magandang araw din! Ang tanggapan ng PCUP ay mayroong Project Development and Resource Mobilization Unit kung saan tinutulungan ang mga samahang maralita na nais magtayo ng negosyo sa kanilang lugar.
Para makahingi ng tulong-teknikal, maaari tayong magpadala ng sulat sa PCUP Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City o magpadala ng email sa pcup.media2019 @gmail.com at iko-coordinate kayo ng ating personnel para makapag-organisa ng samahang pangkooperatiba.
Kung kayo ay nagsisimula pa lamang at wala pang established na samahan, ang PCUP ay maaaring magbigay ng organizational management training para maturuan tayong mamahala ng samahan.Tutulungan kayo ng ating tanggapan na bumuo ng lehitimong samahan bilang paghahanda sa ating pagpaparehistro bilang kooperatiba.
Bukod pa rito, tuturuan din kayo ng PCUP kung paano sumulat ng practical at sustainable na business proposal kung saan ia-assess ang ating target market hanggang sa makabuo ng plano para ma-implement at ma-monitor ang nasabing proyekto.
Kapag solido na ang pundasyon ng ating kaalaman sa pagpapatakbo ng kooperatiba at maging sa ating business proposal, ilalapit kayo ng PCUP sa ating mga partner agency para maka-access ng funding o livelihood assistance.
Tutulungan din kayo ng ating kasamahan sa Cooperative Development Authority (CDA) para sa registration ng inyong coop at mabigyan pa ng ibang tulong-teknikal.
Kung kayo ay mayroong katanungan o suhestiyon, maaari kayong mag-email o sumulat sapcup.media2019@gmail.com, sa Official Facebook Page na www.facebook.com/pcupPH at gamitin ang hashtag na #PCUPatyourService. Maaari rin kayong bumisita sa ating tanggapan sa PCUP Office, 4th floor DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City.





Comments