Karamihan senior citizens | 60 HULI SA VOTE-BUYING
- Gina Plenago
- May 13, 2019
- 1 min read

INARESTO ang 60 katao dahil umano sa pagbili ng boto sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Nasa kustodiya ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga suspek na sina Karen-May Matibag, barangay treasurer; Medlyn Joy Ong, bgy. secretary; Marie Antoinette Capistrano, admin; Wenifredo Ong; Mario Louis Siriban; Adrian Chiapoco; John Brian Matibag at Ma. Liberty Dacullo at 52 registered voters, nahaharap sa paglabag sa Omnibus Election Code Sec. 261 prohibited acts: para sa vote-buying at vote-selling at intervention of public officers and employees.
Karamihan sa mga naarestong 52 katao sa umano’y vote-selling ay mga senior citizens.
Base sa ulat, hinuli ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit, Southern Police District-DSOU at Makati City Police sa barangay hall ng San Isidro, alas-10:45 ng gabi.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang RSOU kaugnay sa umano’y nagaganap na vote-buying at selling sa lugar na ikinaaresto ng mga suspek.
Nakumpiska ang 820 pirasong P500 bills na nagkakahalagang P410,000; 19 assorted IDs; 10 cellphones; listahan ng mga botante at kanilang address at precinct number; 2 kahon ng Ulat sa Bayan na sinasabing leaflets ni Mayor Mar-Len Abigail Binay.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon sa naturang kaso.





Comments