Essential oil may pampatulog, gamit ng kliyente target | MASAHISTANG MAGNANAKAW, KULONG
- Mylene Alfonso
- May 13, 2019
- 2 min read

TIMBOG ang massage therapist na babae na ang modus ay patulugin ang kliyente gamit ang essential oil na hinihinalang may pampatulog bago tangayan ng mahahalagang gamit at pera sa Rizal Park, Manila.
Sinampahan na ng kaso ang suspek na si Evelyn Gabucan Y Zarate, 40, ng Cavite at may address din sa Quezon City.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code o Theft, Art. 178 ng RPC o Using Fictitious Name and Concealing True Name at Art. 172 Section 1 ng RPC o Falsification of Document.
Alas-3:00 ng madaling-araw nang madakip ang suspek sa Ermita, Manila habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo.
Nakuha sa kanya ang bag na naglalaman ng P10,000, relos at cellphone na umano’y ninakaw niya sa kanyang kliyente/complainant na si Marcos Santos, 33, residente ng Caloocan City.
Alas-2:00 ng madaling-araw nang magising ang biktima na wala na ang kanyang sling bag at ang suspek sa Rizal Park, kung saan siya nagpamasahe.
Naglalakad umano ang suspek sa parke nang alukin siya ng suspek ng masahe at nakipagkuwentuhan pa sa kanya hanggang sa naging palagay na ang loob niya.
Ayon sa biktima, P200 lang ang ipinababayad ng suspek kaya pumayag siya at umupo na sa dalang upuan at sinabihan siya na tanggalin sa katawan ang bag at ilagay sa ilalim ng inuupuan hanggang sa makatulog dahil mahusay umano ang pagmamasahe at nakakaantok ang ginamit na essential oil. Nang magising, wala na ang suspek at sling bag ng biktima kaya agad nitong hinanap sa paligid at inireklamo sa MPD-DPIOU.
Nakita naman ang suspek kaya nabawi ang bag ng biktima at ang pera ay P2,000 na lang ang narekober.
Nalaman na may mga nakahain pang reklamo laban sa suspek na tulad din ng reklamo ng biktima.





Comments