DIAZ, 5TH PLACE PARA SA 2020 SUMMER OLYMPIAD

UMAKYAT na si Pinay weightlifter at 2016 Olympic silver medalist Hidilyn Diaz sa panglimang baitang sa karera ng mga aspirante sa bagong weight category na 55 kgs sa 2020 Summer Olympiad na gaganapin sa Tokyo.
Sa kabila ng diumano’y pagkakasangkot ni Diaz sa destabilization plot laban sa pangulo ng bansa, unti-unting napapalapit ang pambato ng Zamboanga sa muling pagbabalik sa Olympics. Kasalukuyan na siyang nakaipon ng 1,743.3145 puntos mula sa paglahok sa 2018 Ashgabat World Weightlifting Championship at sa katatapos na 2019 Ningbo Asian Weightlifting Championship. Sa pinakahuli niyang kompetisyon sa Ningbo, China, tatlong pilak na medalya ang iniuwi ng 29-anyos na atleta dahil sa pagbuhat niya ng kabuuang 209 kgs (94 kilograms sa snatch at 115 kilograms sa clean and jerk).
Ang pinsan naman ni Diaz na si Mary Flor, may-ari ng dalawang tanso at isang pilak na mga medalya mula sa paglahok sa 2018 EGAT King’s Cup sa Thailand, ay swak na rin sa unang sampu pagdating sa bakbakan sa 45 kgs na larangan base sa pinakahuling talaan na ipinalabas ng International Weightlifting Federation. May nalikom na 585.79358 puntos si Mary Flor at mayroon siyang rekord na 158 kgs (69 kilograms sa snatch at 89 kilograms sa clean & jerk).
May kalayuan na sa top 10 ang iba pang mga weightlifters ng Pilipinas. Nasa pang-20 puwesto si Kristel Macrohon sa dalawang kategorya: 71 kilograms at 76 kilograms. Mayroon siyang 973.8097 puntos sa 71 kilos na pangkat (best total: 205 kgs; snatch: 90 kgs; clean & jerk: 115 kgs) samantalang parehong puntos din sa 76 kilos na pangkat (best total: 212 kgs; snatch: 90 kgs; clean & jerk: 122 kgs)
Sa grupo ng kalalakihan na may bigat na 67 kgs, si Jeffrey Garcia ay nasa pang 22 baytang dahil sa kanyang 1139.1864 puntos, best total na 273 kgs. (120 and 153) mula sa pagsali sa Ningbo Asian Championships at sa Ashgabat 2018 World Championships. Ganito rin ang puwesto ni John Fabuar Ceniza (55 kgs).
Mayroon siyang best total na 234 kgs. (105 at 129) 521.1954 kilos.
Ang batikang si Nestor Colonia ay nakaupo sa pang 24 posisyon (1,227.9754 puntos) sa lifters mula sa 61 kgs (best total 280 kgs; snatch: 120 kgs; clean & jerk).





Comments